Isang drayber patay, matapos mahulog sa bangin ang minamanehong mini dump truck

Bontoc, Mountain Province – Idineklarang Dead on Arrival (DOA) ang isang drayber matapos mahulog ito sa bangin at wala ng buhay ng madala ito sa Bontoc General Hospital noong ika-8 ng Agosto (Linggo ng 2:50 ng hapon).

Ayon sa inisyal na salaysay ni PROCOR-PIO PCapt Marnie Abellanida, kinilala ang biktima na si Renny Loy Gakelan Pey-agen, 33 (single), residente sa Talubin, Bontoc, Mt. Province.

Alinsunod dito, ang biktima ay nagdedeliber ng steelbar sa Can-eo, Bontoc at sa kanyang pagbalik, habang binabaybay nito ang daan papuntang Sitio Saddle, Talubin ay di umano’y nawalan ng control ang manibela nito at tuluyan nahulog sa bangin na 250 metro ang lalim.

Itinawag agad ito sa otoridad ng mga residenteng nakakita at agad na rumisponde ang pinagsanib na tauhan ng Bontoc Municipal Police Station, PDDRM at ilang concerned citizen.

Natagpuan ang biktima na nakahandusay sa ibabaw ng wasak na sasakyan na kulay asul na mini dump truck at may plate number  WUQ-914.

Patuloy ang imbestigasyon ng otoridad at autopsy ng biktima sa pangyayaring insidente.   Mario Oclaman /FNS

SOURCE: PROCOR- PIO