Palawan at Marinduque nagkaroon ng talakayan para sa Araling Pang-isla at Kultural na Edukasyon
Puerto Princesa, Palawan – Pinangasiwaan ng Curriculum and Instructional Materials Development Office (CIMDO) ng Palawan State University ang palitan tungkol sa pagpaplano upang makapagbigay ng Marinduque Cultural Studies na kurso para sa mga mag-aaral ng Marinduque State University noong Biyernes (Abril 24) ng umaga.
Nagpaunlak ang dating dekano ng College of Arts and Humanities, Dr. Restie Allan Puno, at kasalukuyang direktor ng Palawan Studies Center, maging ang direktor ng CIMDO ng PSU. Samantala, nakadalo ang Marinduque Island Studies technical working committee, sina Dr. Randy Nobleza, Sir Neil Sapungan, Dr. Karen Raza, Ma’am Badeth Del Prado at Sir Yasu Nakajima.
Hinimay nina Dr. Allan ang simulain at paglalakbay ng PSU sa pagkakaroon ng Palawan Studies bilang institutional na subject kabilang sa General Education curriculum batay sa Commission on Higher Education (CHED) Memo 20 s. 2013. Sa bisa ng PSU Board of Regents Resolution No. 62 s. Noong 2019 ay naging mandated na kurso ang Palawan Studies simula noong 1st semester ng school year 2018-19. Bilang pagsasakatuparan ng mga tagapagtatag ng Palawan Studies Center sina Prof. Oscar Evangelista, Dr. Carlos Fernandez, Dr. John Christian Jardin at Prof. Michael Angelo Doblado.
Samantala, naglahad naman si Sir Sapungan ng MarSU ng balangkas ng Marinduque Island Studies na binubuo ng deskripsiyon, mga layunin, at modyul sa heograpiya, kasaysayan, kultura, lipunan, kabuhayan, kasama ang kontemporaryong mga isyu at hinaharap: ano ang Marinduqueño at paano maging Marinduqueño.
Pagkatapos ay ipinakita ni Ma’am Jonalyn Villarosa ng PSU CIMBO ang kanilang ginagamit na syllabus pati ang mga proseso ng pagbubuo at pagpapayaman nito. Ang buhay sa simpleng balangkas noong 2018 ay dumaan sa serye ng proseso ng pagpapaunlad nito, kagaya ng writeshop, pilot testing, teacher training, implementation, course evaluation at pagsasapinal ng syllabus. Ang kinahinatnan ay ang kursong binubuo ng Palawan Geography, Early Civilization in Asia, Indigenous Cultural Communities in Palawan, Changing Cultural Landscape of Palawan, Local History of Palawan at Palawan Today na hahantong sa culminating activity.
Pagkatapos ng paglalahad ng danas ng PSU sa simulain at pagpapatuloy ng Palawan Studies at pagbabalangkas ng MarSU sa Marinduque Island Studies ay nagkaroon ng palitan ng mga ideya tungkol sa Araling Pang-isla at Kultural na Edukasyon. Bilang si Sir Doblado ay nagtapos din ng Graduate Diploma in Cultural Education (GDCE) sa Marinduque, nag-benchmark na rin ang Marinduque State College sa Palawan sa Sentro ng Wika at Kultura at GDCE. Kaya naman, mainam na “full circle” na muling makapagbahagi at makabalik sa Marinduque ang Palawan. At sa susunod ay kabila ng kinakaharap na hamon sa edukasyon dahil sa sigalot sa Gitnang Silangan ay makakapaglaan pa rin ng makabuluhang edukasyon hango sa kultura at pamana. #
