HONTIVEROS SA IATF: RATE NG VACCINE ROLLOUT HINDI SAPAT PARA SA NAGLALABASANG BAGONG COVID VARIANTS “KAILANGAN NATIN NG MOMENTUM”

MANILA – (July 8, 2021) – Ipinahayag ni Senador Risa Hontiveros ang kanyang pagkadismaya sa kasalukuyang takbo ng national vaccination program, dahil hindi ito sapat upang maprotektahan ang populasyon laban sa higit na malalang mga variant ng COVID-19.

Kahit umano higit sa 10 milyong katao na ang nabakunahan, ayon sa senadora, hindi pa rin naaabot ng COVID-19 Inter-Agency Task Force (IATF) ang sarili nilang mga target.

“Magandang balita na pumapalo na sa milyon ang nababakunahang Pilipino laban sa COVID-19. Pero sa huling report, malayo pa rin ito sa target na bilang ng populasyon na kinakailangang maprotektahan. Nakakadismaya kasi noong naghahanap tayo ng supply, pinapakampante tayo na may darating. Pero ngayong nasa takdang oras na tayo, hindi pa rin natutupad,” ayon kay Hontiveros.

Bukod sa banta ng mga bagong variants, nagpahayag din ang senadora dahil sa dumaraming report ng pagkansela ng mga local government units (LGU) ng kanilang mga schedules dahil sa kawalan ng supply.

“Ang daming LGU ang nagpahayag ng kahandaan para sa vaccination roll out. Mayroon silang cold storage facility, vaccinators, dedicated na lugar, mataas ang vaccine confidence, pero walang maibigay na bakuna ang IATF,” sabi nya.

“If we hope to achieve herd immunity or even containment, dapat lahat ng probinsya makatikim naman ng tuluy-tuloy na supply ng bakuna. Otherwise, there will always be a threat of surges elsewhere, lalo na sa mga lugar na mababa ang vaccination coverage,” diin nya.

Ayon na rin sa mga eksperto, mas protektado laban sa malalang sakit o kamatayan ang mga taong may kumpletong dalawang bakuna na.

“Yung bilis at gilas ng supply ng ating bakuna ang makakapagsabi kung kakayanin ba ng ating bansa na tapatan ang mga naglalabasang variants. Paulit-ulit nating hinihikayat ang IATF na mas bilisan pa ang pagbabakuna, dahil nangangalahati na ang taon, pero napakalayo pa rin ng agwat ng target para sa herd immunity kumpara sa ginagawang pagbabakuna araw-araw,” ayon kay Hontiveros.

Sa ngayon, nakakapagbakuna ang gobyerno ng 240,000 katao kada araw. Ngunit, mas mababa pa ito sa unang rekomendasyon na 500,000 vaccinations per day. Napakalayo rin nito sa kalkulasyon na dapat ay 720,000 doses kada araw ang ma-administer upang maabot ang target na herd immunity by December 31, 2021

“Hindi pwedeng patse-patse ang tugon sa isang pandemya. Walang probinsya ang maiiwan. Makakamit lamang iyan kung sisiguraduhin ng gubyerno na stable ang supply ng bakuna para sa mamamayan. We must gain a strong and steady momentum in this long fight against COVID-19,” pagtatapos ni Hontiveros.