Computation ng SSS Retirement Pension
Christian Andrew Rillorta
Senior Communications Analysts
Isa sa madalas kong natatanggap na tanong tungkol sa pension ay kung paano ba nako-compute ng SSS ang halaga ng Retirement Benefit. Normal lamang na tanungin ito ng mga miyembro lalo’t pera nila ito na ipinagkatiwala sa SSS para sa kanilang kinabukasan.
Sa SSS Retirement Benefit Program may dalawang pangunahing basehan para matukoy ang halaga ng pension: ang Credited Years of Service (CYS) at ang Average Monthly Salary Credit (AMSC). Ang CYS ay ang kabuuang bilang ng taon na may posted contribution ang miyembro, habang ang AMSC naman ay batayan sa halaga ng kontribusyon na inihulog ng miyembro. Ibig sabihin, nakabatay sa bilang ng buwan at halaga ng inihulog na kontribusyon ang kabuuang halaga ng magiging pension ng miyembro. Kaya masasabi nating kung mas matagal at mas mataas ang inihulog, mas mataas ang matatanggap na pension.
May tatlong formula ang SSS para malaman ang eksaktong halaga ng pension:
- 300 + (20% x AMSC) + (2% x AMSC) x (CYS-10)
- 40% x AMSC
- Minimum pension (P1,200 kung hindi bababa sa 10 CYS o P2,400 kung hindi bababa sa 20 CYS
Alinman sa tatlong ito ang pinakamataas, siya ang gagamitin ng SSS bilang basehan para sa buwanang pension. Alinsunod din sa Section 12, Paragraph C ng Republic Act No. 11199 o Social Security Act of 2018, may karagdagang ₱1,000 na idinadagdag sa pension na matatanggap ng miyembro.
Si Mang Miguel, 62 anyos, ay matagal nang miyembro ng SSS. Tatlong dekada siyang nagtrabaho sa konstruksyon—mainit ang araw, mabigat ang bitbit, at madalas hindi tiyak ang kontrata. Ngunit sa kabila ng lahat, sinigurado niyang may regular na hulog siya sa SSS. Para sa kaniya, ito ang pinakamadaling paraan upang magkaroon ng seguridad kapag dumating ang panahon ng pagreretiro.
Habang papalapit ang kaniyang ika-62 na kaarawan, mas lalo niyang pinagtuunan ng pansin ang pag-unawa sa computation ng SSS retirement pension. Napagtanto niyang hindi sapat ang basta’t naghulog lang; mahalaga ring maunawaan kung paano binubuo ang matatanggap na pensyon upang makatulong sa pagpaplano para sa susunod na yugto ng buhay.
Umabot sa 28 taon ang kontribusyon ni Mang Miguel. Malapit na ito sa 30, ngunit dahil sa ilang taong nahinto ang kaniyang hulog—dulot ng pagbabago sa trabaho at epekto ng pandemya—hindi niya naabot ang karaniwang target na tatlong dekada.
Dito niya nakita na kung mas mataas ang kaniyang AMSC—o ang karaniwang halaga ng kaniyang pinaghuhulugan sa nakaraang 60 buwan—mas malaki ang posibilidad na mas mataas ang lalabas na computation. Dahil consistent siyang nagtaas ng kontribusyon sa mga huling taon ng kaniyang trabaho, umangat ang kaniyang AMSC, na posibleng magbibigay sa kaniya ng mas mataas na pensyon. Sa tantya niya, maaaring nasa pagitan ng ₱8,000 hanggang ₱10,000 ang kaniyang matatanggap bawat buwan. Hindi man ito garantiya ng marangyang pamumuhay, sapat na itong pantustos sa pagkain, gamot, at iba pang pang-araw-araw na gastusin.
Ang SSS ay hindi lamang tungkol na paghulog kada buwan. Ito ay isang pundasyon ng pangmatagalang seguridad, lalo na sa edad kung kailan hindi na ganoon kadali kumita. Ang disiplina sa kontribusyon at ang pag-unawa sa sistema ay hindi dapat ipagpaliban.
Kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan, magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph. Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na page ng SSS sa Facebook, X (dating Twitter), YouTube, at Viber – hanapin lang ang MYSSSPH. Bukas din ang usssaptayo@sss.gov.ph at SSS Hotline 1455 para sa inyong concerns at katanungan.
###
