80 benepisyaryo, nakatanggap ng 10K Ayuda mula kay Cayetano at mga kaalyado

Muling namahagi ng P10,000 ayuda sina dating House Speaker Alan Peter Cayetano at mga kaalyado sa Kongreso noong Miyerkules sa 80 bagong benepisyaryo ng Sampung Libong Pag-asa.

Sa isang Facebook livestream, inanunsyo ni Cayetano at mga kasama ang 80 bagong benepisyaryo mula sa iba’t ibang panig ng bansa, kabilang ang Bulacan, Batangas, Laguna, Quezon City, Camarines Sur, Caloocan City, at Manila City.

Kasama niya sa programs sina Taguig City Rep. Ma. Laarni “Lani” Cayetano, ANAKALUSUGAN Rep. Michael Defensor, Batangas Rep. Raneo “Ranie” Abu, Bulacan Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado, at Laguna Rep. Dan Fernandez.

Ipinakilala rin ni Cayetano sa publiko ang “Alan Sari-Sari Store Community” na opisyal na ilulunsad sa susunod na linggo.

Ayon kay Cayetano, ang mga benepisyaryo ng Alan Sari-Sari Store Community ay mga sari-sari store owner na kailangan ng suporta para sa kanilang mga negosyo.

Bawat benepisyaryo ay makatatanggap ng P3,500: P2,500 para sa pambili ng mga paninda at P1,000 para naman sa pambili ng kanilang mga pangangailangan.

“The reality is kailangan din talaga nila ng tulong, but babalik at babalik tayo sa P10,000 ayuda. Kasi kahit mapuno mo ang sari-sari store, kung wala ring pambili ang mga kapitbahay mo, wala rin,” wika ni Cayetano.

Ayon din sa dating Speaker, mamamahagi sila ng mga cell phone at mga phone call card sa 10 benepisyaryo para panimula ng kanilang mga online business.

Napanood din sa nasabing Facebook livestream sina Senator Pia Cayetano, Sampung Libong Pag-asa host Andrei Felix, dating mga professional basketball player Jay-R Reyes at JC Intal, at social media content creator Angelica Yap.###

PRESS RELEASE