PANAHON NA PARA SA PANIBAGONG AT MAS PROPESYONAL NA MILITARY PENSION FUND – IMEE

MANILA – (May 22, 2021) – Inihirit ni Senador Imee Marcos na pabilisin na ang pagpapalit sa  nagsarang pension fund para sa mga military at uniformed personnel (MUPs) na dati’y may kontribusyong kinakaltas sa kanilang sweldo para kumita ng interes na hindi natatapatan ng mga bangko.
Tinukoy ni Marcos, chairman ng Senate committee on economic affairs, ang Retirement and Separation Benefits System (RSBS) na hindi pa rin napapalitan, kahit tumigil na ito sa pagkolekta ng kontribusyon ng mga miyembro mula nang magsara noong 2016 dahil sa di maayos na pamamalakad.
“Sa nagdaang limang taon, ang matatanda pati bagong salta na MUPs ay mas kumita sana kung may pinaglalagyan ang kanilang mga kontribusyon. Habang hindi pa napapalitan ang RSBS, napagkakaitan ang ating mga MUPs at kanilang pamilya ng dapat sana’y kanila nang kinikita,” diin ni Marcos.
Para makapagtayo ng panibagong pension fund, hinimok ni Marcos ang mga nangangasiwa sa RSBS na ibenta na ang lahat ng pag-aari nito, na dapat ay tinapos na noong Abril, ayon sa itinakdang limang-taong ‘timeline’ matapos magsara.
“Bukod sa mapapabilis na ibalik ang mga kontribusyon ng lahat ng miyembro nito, magagamit ang perang malilikom para simulan ang panibagong sistema na hindi na kailangang suportahan ng gobyerno bawat taon – bagay na hindi nagawa ng RSBS,” ayon kay Marcos.
Tanging ang kontribusyon ng mga miyembro ang nire-refund o isinosoli ng RSBS sa nasa 130,000 MUPs, na target nilang matapos sa 2022.
“Ang mga bayad naman sa retirement at separation benefits ay sakop sa national budget ng gobyerno, pero tumataas ito kada taon dahil sa mga umento sa sahod at mga benepisyo,” paliwanag ni Marcos.
“Tumataas rin ang interes sa bayarin ng RSBS, kaya nababawasan pa ang natitirang resources ng GOCCs (government-operated and -controlled corporations),” dagdag pa ni Marcos.
Sa harap nito, inihirit ni Marcos na imbestigahan na at linawin ng Senate committee on national defense and security ang pinansyal na kalagayan ng RSBS at ang kakayahan nitong mag-refund o magbalik ng kontribusyon ng kanilang miyembro.
Kahit sinabi ng RSBS na nananatili itong walang utang at malayong mabangkarote, binanggit ni Marcos na natuklasan ng Commission on Audit (COA) ang labis na pagdeklara ng RSBS sa halaga ng kabuuang pag-aari nito, na umabot sa Php2.54 billion at Php2.63 billion sa loob ng dalawang taon bago ito tumigil sa operasyon.
Natuklasan din ng COA na malabo ang pagkalkula ng RSBS sa kabuuang kontribusyon ng mga myembro nito na may kwestyonableng balanse na Php10.24 billion noong 2017 at Php9.26 billion noong 2018.  ###

PRESS RELEASE