PAG-AALANGAN MAGPABAKUNA ANG PROBLEMA, HINDI ANG PERANG PAMBILI -IMEE

MANILA – (June 15, 2021) – Nanawagan si Senador Imee Marcos sa pamahalaan na maglatag ng mas klarong mga estratehiya para mapataas ang bilang ng mga mahihikayat na magpabakuna at mapabilis ang herd immunity immunity laban sa Covid-19, para tuloy-tuloy na ang pagbangon ng ekonomiya ng ating bansa.

“May pera tayong pambili ng mga bakuna. Pero nananatiling hamon ang pag-aalangan o pag-aatubiling magpabakuna na maaaring mauwi sa pagkasayang mga bakuna at pondo ng gobyerno kaysa insidente ng mahinang cold storage. Kung walang herd immunity, pautay-utay din ang ating economic recovery,” ani Marcos.

“Para malutas ito, kinakailangang madetermina ng gobyerno kung saan ito dapat maglunsad ng puspusang ‘information campaign’ na aakma sa lenggwahe, kakaibang kostumbre at sistema ng paniniwala ng isang lokal na pamahalaan. Halimbawa, ang pagbibigay-diin na ang bakunang aakma o kailangan sa BARMM ay halal, o ang isang partikular na bakuna ay nasubukan na sa mga Muslim na bansa,” paliwanag ni Marcos.

Giit ni Marcos kailangang makapagprisinta ang IATF ng “Plan B, kapag hindi natupad ang ipinangakong mga supply ng bakuna sa Pilipinas sa taong ito.”

Maraming pagka-antala ang hinarap ng IATF sa mga nakaiskedyul na pag-angkat ng mga bakuna mula sa mga global pharmaceutical firm at COVAX facility ng World Health Organization, dahil sa hoarding o sobra-sobrang pag-iimbak ng mga bakuna at mga di pagkakasundo sa pagdedeliber nito sa pagitan ng mga bansang gumagawa ng bakuna.

Liwanag sa dilim, ani Marocs, ang pangako ng pito sa pinakamayamang demokratikong bansa na magsu-supply ng nasa bilyong Covid-vaccine doses sa mga mahihirap na bansa sa susunod na taon.

“Maraming Western countries ang humahabol sa vaccine diplomacy ng China,” ang sabi ni Marcos tungkol sa G7 na binubuo ng Canada, France, Germany, Italy, Japan, the United States, and the United Kingdom.

“Ang pangako ng G7 sa 2022 ay nangangahulugan na ang bakunang ating binibili sa taong ito ay maaaring ma-produce at mai-deliber. Ngunit dapat i-follow up ng IATF ang mga nauna nang pangako para maremedyuhan agad ang anumang pagkaantala at hindi na tumagal pa ang timeline para mabakunahan ang 70 porsyento ng populasyon,” ani Marcos.

Dagdag pa ni Marcos, na chairman din ng Senate committee on electoral reforms and people’s participation, ang pagtaas ng pagtanggap sa bakuna ay makatulong sa pagpapabilis ng rehistrasyon ng mga botante, ” para ang eleksyon sa susunod na taon ay totoong magpapakita kung sino ang talagang nais nating mamuno habang patuloy ang pandemya, tungo sa pagrekober ng ating ekonomiya. ###

PRESS RELEASE