Mag-aaral mulang Baguio, pinakabatang Makata ng Taon ng KWF

Mag-aaral mulang Baguio, pinakabatang Makata ng Taon ng KWF

Hinirang si Eugene Geibrielle A. Nacino, taga-Bangui, Ilocos Norte at nag-aaral sa Lungsod ng Baguio, bilang pinakabatang Makata ng Taon ng KWF sa Lingal: Araw ng Parangal noong 29 Abril 2029 sa MICE Citadines Roces, Lungsod ng Quezon.

Si Nacino, 19, ay kasalukuyang kumukuha ng degree sa Medical Laboratory Science sa St. Louis University. Nasungkit niya ang unang gantimpala sa prestihiyosong timpalak sa tula para sa kaniyang koleksiyong Asín sa Hasang ng Lupà.

Naging pinakabatang Makata ng Taon si Nacino sa 63 taon ng kasaysayan ng timpalak. Dati itong hinawakan ni Victor Emmanuel Carmelo Nadera Jr. nang manalo siya noong 1985 sa edad na 21.

Nagtuloy si Nadera sa karera niya bilang premyadong manunulat at edukador. Kinikilala siya bilang Ama ng Pagtatanghal ng Tula (Performance Poetry) sa Pilipinas. Sa kasalukuyan, nagtuturo siya sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman.

“Tinitingnan ko ang parangal na ito bilang isang mabigat na panunumpa,” ibinahagi ni Nacino.

“Na ang dila ng kabataan ay kayang bumigkas ng mga talinghagang kasintigas ng bato at kasinlalim ng mga ugat,” dagdag pa ng kabataang makata.

Nagwagi rin sa timpalak sina Joseph E. Cemena, ikalawang gantimpala; Romeo Peña, ikatlong gantimpala; Emersan D. Baldemor, karangalang banggit; at Mark Anthony S. Angeles, karangalang banggit.

Bahagi ang Talaang Ginto: Makata ng Taon ng taunang pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan tuwing Abril. Tema ngayong taon ang Bekët Panitikan / Para sa Katwiran at Kalikasan. Salita para sa pagkakaisa o pagbibigkis ang “bekët” na mula sa mga Agutaynën ng Palawan. #

PRESS RELEASE