KWF at CLSU, Lumagda sa Memorandum ng Unawaan para sa pagtatatag ng SWK
Pinagtibay ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at Central Luzon State University (CLSU) ang kanilang ugnayan sa pamamagitan ng paglagda sa Memorandum ng Unawaan (MOU) noong 7 Mayo 2026, sa Bulwagan ng Opisina ng Pangulo ng CLSU.
Lumagda sina Atty. Marites A. Barrios-Taran, Tagapangulo ng KWF, at Dr. Carmelita C. Abdurahman, Fultaym Komisyoner para sa panig ng KWF. Para sa panig ng CLSU, lumagda si Dr. Evaristo A. Abella, Pangulo ng CLSU, na kinatawan ni Dr. Emmanuel M. Vera Cruz, Vice President for Research and Extension. Layunin ng kasunduan na paigtingin ang mga programang pangwika at saliksik sa rehiyon sa tulong ng Departamento ng Filipino ng Pamantasan sa ilalim ng pangangasiwa ni Dr. Baby Jean VC. Jose, na siya ring naging Direktor ng SWK sa loob ng pamantasan.
Sa naturang pagtitipon, binigyang-diin ang mahalagang papel ng kasunduan sa pagpapalaganap at intelektwalisasyon ng wikang pambansa. Ang kolaborasyon ay inaasahang magbubukas ng mas maraming pinto para sa mga seminar, palihan, at palitan ng mga publikasyong akademiko sa pagitan ng dalawang institusyon.
Bilang parte ng programa, binisita ng KWF ang bagong Museo ng CLSU na Dungon Museo de CLSU, kung saan nakalagak ang yaman ng kasaysayan at kultura ng pamantasan. #
