HONTIVEROS, PINAIIMBESTIGAHAN SA ERC ANG MAANOMALYANG P4.4B GASTOS NG NGCP SA ENTERTAINMENT, REPRESENTATION, ADS
Hinimok ni Senador Risa Hontiveros nitong Huwebes ang Energy Regulatory Commission (ERC) na suriin ang maanomalyang paggasta ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at siguraduhing hindi ito sinisingil o ipinpasa sa mga konsyumer.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado tungkol sa rotational blackout, pinuna ni Hontiveros ang mga maanomalyang patten sa paggastos ng NGCP, tulad ng biglaang pagtaas ng gastos sa representation at entertainment kada o pagkatapos ng halalan noong 2013, 2016 at 2019.
Binanggit din ni Hontiveros ang biglaang paggastos ng NGCP sa public relations mula 2017, taon kung kailan lumabas sa Kongreso ang iba’t ibang mga isyu laban dito.
“Hindi ba’t kaduda-duda na kada o pagkatapos ng eleksyon ay tumataas ang gastos nila sa representation at entertainment? Coincidence lang ba? At simula 2017, nang mabuksan ang imbestigasyon sa NGCP sa Kongreso, NGCP was spending P300 million per year sa public relations. It seems too much of a coincidence,” ani Hontiveros.
Ibinunyag ni Hontiveros na mula 2009 hanggang 2020, ang NGCP ay gumastos ng P1.454B sa Representation & Entertainment, P1.032B sa advertising, P1.268B sa Public Relation, at P646 Milyon sa professional fees batay sa inihaing Annual Audited Financial Statements ng NGCP sa Securities and Exchange Commission (SEC).
Sinabi pa ng Senador na dapat ipaliwanag ng ERC kung saan sa kasalukuyang cost structure para sa transmission charges ito sinisingil sa mga konsyumer.
“One of the primary mandates of the ERC is to regulate the NGCP. Isa sa dapat tinitingnan ng ERC ay kung ang bilyun-bilyong gastos sa mga bagay na walang kinalaman sa transmission ay ipinapasa sa konsyumer through the transmission charge sa ating monthly bills,” ani Hontiveros.
“Ang legit transmission charges ay power delivery service, metering and common charge, charges on connection and residual sub-transmission, FME Pass through, PFA and interruption billing adjustment, ancillary services, as well as NGCP regulated and excluded services. Saan kaya dito kinukuha ang anomalous expenditures na ito?” tanong niya.
Ayon kay Hontiveros, kung kukwentahin sa piso bawat kilowatt hour (kWh), ang P4.4B na expenses ng NGCP ay katumbas ng 441.77 milyon kWh base sa rate ng system ng Meralco na P9.96 / kWh. “Ganito kalaki ito kung naging kuryente. Imagine na lang natin kung hahatiin ang kabuuang ito sa mga komukonsumo ng 200kWh per month pababa, ito ay isang buwang kuryente sa mahigit 2.2 milyong households,” dagdag ni Hontiveros.
Binigyang diin din ni Hontiveros na ang NGCP ay gumastos ng higit sa P1B sa advertising, sa kabila ng pagiging ‘natural monopoly’.
“Ipinasa ba ang mga gastos na ito sa mga konsyumer? Ito rin ba ang dahilan kung bakit naantala ang pag-upgrade ng grid at maintenance projects? May mga ganito rin bang gastos sa ibang mga utilities na pinapayagan ng ERC na ma-recover through rates? We cannot allow corporate greed to thrive and further burden our consumers. Hindi ngayon, lalong hindi sa mga susunod na panahon.” pagtatapos ng Senador. ###