Bwelta ni Cayetano kontra e-sabong: bakit bibigyan ng 25-taong prangkisa?

Hinamon ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano ang mga kapwa niya mambabatas na maging mas kritikal sa pagbibigay ng 25-taong prankisa sa mga operator ng e-sabong sa gitna ng papalakas na pagtutol dito ng mga lider-simbahan at ilang mga kongresista.

Ito ay sa harap ng inaasahang pag-apruba ng Mababang Kapulungan sa pangalawang franchise application na isinumite ng isang e-sabong operator, bagamat meron nang mga regulasyon na pinapatupad ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) para sa ganitong klaseng mga operasyon mula pa noong Abril ng kasalukuyang taon.

“Kumbaga y’ung emergency use ng e-sabong na ginawa ng PAGCOR eh binigyan ang operators ng license kasi emergency daw sila, wala na silang pondo. Pero bakit mo bibigyan ngayon ang e-sabong operators ng full access o full authorization ng 25 years na hindi pa nga nakaka-six months, hindi mo pa nakikita kung eto talaga ay nakakabuti o nakakasama or neutral sa ating society,” ani Cayetano.

“We know naman that one member of Congress, kahit five or ten cannot tell PAGCOR to do something and they’ll just do it. The President can pero kami hindi. Pero y’ung pagbibigay ng franchise may say naman tayo dyan at yun nga, bakit mo bibigyan ng 25 years na mag-operate ang e-sabong ng hindi mo pa nga alam yung epekto nito ‘di ba?” dagdag pa niya.

Inihayag ni Cayetano ang kanyang mga komento sa isang press conference noong Huwebes, Disyembre 2, ilang araw matapos magpatutsada ang bagong-halal na pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) kontra sa legalisasyon ng e-sabong bilang isang “mala-delubyong” hakbang ng pamahalaan.

“Sa konteksto ng pandemya na nagkulong sa mga matatanda, mga bulnerable, at mga kabataan sa matagal na panahon, ang legalisasyon ng e-sabong ay isa sa mga pinakamala-delubyong polisiya na hinayaang makapasa ng gobyerno,” ani CBCP President Bishop Pablo Virgilio David sa isang Facebook post noong Nobyembre 30, 2021.

Sinabi ni Cayetano na ang pinakamainam pa ring gawin ng PAGCOR ay ibasura ang mga lisensya na ibinigay nito sa pitong e-sabong operator. Matatandaang mariin niyang tinutulan sa Kongreso ang pagbibigay ng 25-taong prangkisa sa e-sabong operator na Lucky 8 Star Quest Inc. noong Setyembre.

“We’re not asking, you know, for people to be unreasonable ‘di ba, but of course kung ako tatanungin mo, gusto ko i-revoke din ng PAGCOR y’ung license, pero nandyan ‘yan eh, nag-o-operate na,” ani Cayetano.

Mungkahi ng dating House Speaker na dapat hayaan na lang ng Mababang Kapulungan ang PAGCOR na ipagpatuloy ang sarili nitong mga regulasyon sa mga e-sabong operator sa loob ng anim na buwan, saka maglabas ng ulat tungkol sa kinita ng gobyerno mula sa mga licensing fee at ang epekto ng e-sabong sa lipunan, imbes na basta-bastang magbigay ng 25-taong prangkisa sa mga operator nito. ###

PRESS RELEASE