Abiso ng BSP tungkol sa Coin Deposit Machines

Coin Deposit Machine BSP File Photo
Inaabisuhan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang publiko na pansamantalang hihinto ang operasyon ng mga Coin Deposit Machine na nakalagay sa ilang malls1 sa Greater Manila Area, simula ika-17 ng Hunyo 2025. Maaari pa ring magpapalit ng mga barya gamit ang CoDM hanggang ika-16 ng Hunyo 2025.
Pansamantalang ititigil ang operasyon ng mga CoDM upang mapag-aralan nang husto ng BSP kung paano pa mapapahusay ang sirkulasyon ng barya at ang pagsasagawa ng currency exchange service para sa mga Pilipino.
Matapos ang pagsusuri, muling ilulunsad ng BSP ang Coin Deposit Machine Program alinsunod sa layon nitong mapabuti ang sirkulasyon ng mga barya.
Umabot na sa halos P1.5 billion ang halagang nakolekta ng CoDMs mula nang inilunsad ang mga ito noong Hunyo 2023.
Samantala, maaaring ideposito ng publiko ang fit o malilinis na barya sa mga bangko kung saan mayroon silang bank account. Sa mga walang bank account, maaaring ipapapalit ang fit, unfit, at mutilated na barya sa mga bangko at mga piling financial institution na nagsisilbing currency exchange centers (CECs)2 sa ilalim ng BSP Piso Caravan.
Maaari namang ipapalit ang mga unfit na barya sa alinmang bangko bilang bahagi ng kanilang tungkulin na agarang alisin ang unfit na pera sa sirkulasyon.3
Patuloy na isusulong ng BSP ang maayos na sirkulasyon ng mga barya, alinsunod sa mandato nito na panatilihin ang mahusay na payments and settlements system sa bansa.
1. Ang 25 CoDMs ay matatagpuan sa malls sa Greater Manila Area: dalawa sa SM Mall of Asia, Pasay City; at tig-isa sa SM City North EDSA, QC, SM City Fairview, QC; SM City San Lazaro, Manila; SM City Bicutan, Parañaque; SM City Bacoor, Cavite; SM Megamall, Mandaluyong City; SM City Grand Central, Caloocan; SM City Marilao, Bulacan; SM City Taytay, Rizal; SM Hypermarket FTI, Taguig City; SM Southmall, Las Piñas City; SM City Sucat, Parañaque; SM City Calamba; SM City Marikina; SM City San Mateo, Rizal; SM City Valenzuela; Robinsons Place Ermita, Manila; Robinsons Place, Galleria, Ortigas; Robinsons Place Metro East, Pasig City; Robinsons Place Novaliches, QC; Robinsons Place Antipolo, Rizal; Robinsons Place Magnolia, QC; at Festival Mall, Muntinlupa City.
2. Para sa listahan ng financial institutions na nagsisilbi bilang CECs, bisitahin ang: https://bit.ly/ListCECCEP
3. Ayon sa Section 1111 ng 2022 Manual of Regulations for Banks