EMERGENCY LOAN PROGRAM
Christian Andrew Rillorta – Senior Communications Analyst, SSS Luzon North 1 Division
Ngayong nasa gitna pa rin tayo ng krisis, minabuti ng SSS na ipatupad ang Emergency Loan Program bilang tugon sa kinakailangang tulong ng mga miyembro. Bukas ang programang ito sa tuwing may deklarasyon ng State of National Calamity o State of National Emergency. Sakop ng Emergency Loan ang lahat ng Overseas Filipino Workers (OFWs), employed, self-employed, voluntary members, at maging non-working spouses, basta’t pasok sa itinakdang qualifications at requirements.
Upang maging kwalipikado sa Emergency Loan Program, kailangang matugunan ng miyembro ang required number of posted contributions. Dapat ay hindi bababa sa 18 monthly contributions, kung saan anim dito ay nai-post sa loob ng 12 buwan bago ang buwan ng aplikasyon. Para naman sa Self-Employed, Voluntary, Non-Working Spouse, at land-based OFW members na nag-update o nagpalit ng membership category, kailangan nilang magkaroon ng hindi bababa sa anim na buwang hulog sa ilalim ng kanilang bagong membership category bago ang buwan ng kanilang loan application.
Samantala, para sa mga employed members, kinakailangang updated ang kanilang pagbabayad ng kontribusyon at loan remittances, maliban na lang kung sakop ito ng aprubadong moratorium sa pagbabayad.
Bukod sa contribution requirements, mayroon pang ibang qualifications na kailangang matugunan ng miyembro. Una, hindi pa dapat nakakatanggap ang miyembro ng final benefit tulad ng permanent total disability o retirement benefit, maliban kung ito ay na-cancel dahil sa re-employment, pagpapatuloy bilang self-employed, o paggaling mula sa total disability. Ikalawa, dapat ay nasa legal na edad ang miyembro at hindi hihigit sa 65 taong gulang sa oras ng aplikasyon. Ikatlo, hindi dapat magkaroon ng unpaid SSS loans na lampas sa tatlong buwan, kabilang ang Emergency Loan, Calamity Loan, Salary Loan, Salary Loan Early Renewal Program, at Education Assistance Loan Program. Ikaapat, wala dapat outstanding na Restructured Loan ang miyembro. Ikalima, hindi dapat na-disqualify ang miyembro dahil sa fraud o panlilinlang laban sa SSS. Ikaanim, dapat updated at kumpleto ang personal records sa SSS database. At panghuli, kinakailangang may aktibong disbursement account na naka-enroll sa SSS website.
Pagdating naman sa loanable amount, nakadepende ito sa bilang ng kontribusyon at average Monthly Salary Credit (MSC) ng miyembro. Para sa may 18 hanggang 35 posted monthly contributions, maaaring makahiram ng katumbas ng 50% ng average ng 12 latest posted Monthly Salary Credit (MSC), rounded up sa pinakamalapit na libong piso o ang halagang in-apply-an, alinman ang mas mababa. Halimbawa, kung ang average MSC ng miyembro ay P15,000, ang kalahati nito na P7,500 ay ira-round up sa P8,000, na siyang maaaring mahiram ng miyembro.
Samantala, para sa mga miyembrong may 36 months o higit pang posted contributions, maaari nilang mahiram ang katumbas ng 100% ng average ng kanilang 12 latest posted MSC. Kaya kung ang average MSC ay P15,000, maaari rin silang makahiram ng hanggang P15,000.
Mas magaan din ang payment terms dahil may anim na buwang moratorium bago magsimula ang hulugan. Ibig sabihin, sa unang anim na buwan mula nang maaprubahan ang loan, hindi muna kailangang magbayad ng amortization at wala ring penalty sa panahong iyon. Pagkatapos ng moratorium, saka pa lamang magsisimula ang 24 monthly amortizations hanggang makumpleto ang kabuuang 30-buwang loan term. Halimbawa, kung ang loan date ay May 15, 2026, ang unang amortization ng miyembro ay sa December 2026 kung saan ang due date nito ay January 31, 2027. Ang emergency loan ay may interest rate na 7% per annum batay sa diminishing principal balance.
Online ang aplikasyon ng Emergency Loan, kaya kinakailangang may My.SSS account ang miyembro. Kung wala pa nito o nangangailangan ng tulong sa online application, maaaring magtungo sa pinakamalapit na sangay ng SSS. #
Kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan. Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph. Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na page ng SSS sa Facebook, X (dating Twitter), YouTube, at Viber – hanapin lang ang MYSSSPH. Bukas din ang usssaptayo@sss.gov.ph at SSS Hotline 1455 para sa inyong concerns at katanungan.
