SSS Salary Loan
Christian Andrew Rillorta – Senior Communications Analyst, SSS Luzon North 1 Division
Magsisimula ngayong buwan ng Abril ang SSS Corner dito sa Filipino News Sentinel. Pag-uusapan natin dito ang iba’t ibang paksa tungkol sa Social Security System (SSS). Umaasa kami na sa pamamagitan ng column na ito ay makatulong sa pagpapaliwanag at pagpapalaganap sa mga programa at polisiya ng SSS.
Bilang maiden issue, pag-usapan natin ang tungkol sa SSS Salary Loan program. Kapag usapang SSS, laging nababanggit ang Salary Loan. Isa ito sa pinakapopular na programa ng SSS na isang pribilehiyong ipinagkakaloob sa mga aktibong miyembro, anu man ang kanilang membership category. Para maka-avail nito, kailangang masunod ng miyembro ang mga sumusunod na qualifying conditions:
Una, dapat ay may 36 buwang kontribusyon ang miyembro, kung saan ang anim dito ay pasok sa huling 12 buwan bago ang semestre ng pagpafile ng loan. Halimbawa, kung ngayong April 2026 maga-apply ng Salary Loan ang isang miyembro, kailangan may hindi bababa sa anim na buwang kontribusyon mula January 2025 hanggang December 2025. Ang semestre kasi na kung saan pasok ang April 2026 ay mula January 2026 hanggang June 2026.
Pangalawa, bukod sa unang nabanggit na kondisyon, ang individually paying SSS members gaya ng Self-Employed, Voluntary, at Overseas Filipino Workers ay kinakailangang may anim na buwang kontribusyon sa ilalim ng kasalukuyang membership category bago ang buwan ng pag-aapply ng salary loan. Halimbawa, kung ang isang employed member ay nagresign sa trabaho noong January 2026 subalit ipinagpatuloy ang pagbabayad ng kontribusyon bilang Voluntary member noong sumunod na buwan o February 2026, maaari pa lang siyang mag-apply ng Salary Loan sa August 2026. Kailangan niya munang makumpleto ang anim na buwang hulog sa ilalim ng kaniyang bagong membership category para mag-qualify sa Salary Loan.
Pangatlo, maliban sa kontribusyon, dapat ay hindi pa pinagkalooban ng final claim ang miyembro tulad ng retirement at total disability benefit.
Pang-apat, dapat ay wala ring outstanding loan balance sa kanyang Salary, Calamity, Educational, Emergency o Stock Investment Loans at up-to-date sa pagbabayad ng kaniyang Housing Loan kung mayroon man. Kung may outstanding loan balance sa naunang Salary Loan, maaaring mag-renew ng Salary Loan ang miyembro kung siya ay nakapagbayad na ng higit sa kalahati ng principal loanable amount at nasa kalahati na rin ng termino ng pagbabayad.
Panghuli, dapat ay walang kaso ang miyembro sa Social Security Commission dahil sa pandaraya sa pagpa-file ng loans o pagpasa ng fraudulent claims sa SSS.
Kung loan amount naman ang pag-uusapan, nakadepende ito sa Monthly Salary Credit (MSC) ng miyembro. Ang kasalukuyang maximum allowable amount ay P20,000.00. Kung two months Salary Loan naman, ang maximum loan amount ay aabot sa P40,000.00.
Babayaran sa loob ng 24 months o dalawang taon ang salary loan. Nakadepende ang monthly amortization sa halaga ng naaprubahang loan. Maaari itong i-verify ng miyembro sa kaniyang My.SSS Account.
Noong November 2020, ipinatupad ng SSS ang online application ng Salary Loan sa pamamagitan ng My.SSS account o MySSS Mobile App. Pag-uusapan natin sa susunod na column ang proseso ng paga-apply ng Salary Loan online.
Kung employed member naman ang magpa-file ng Salary Loan, kailangan niyang abisuhan ang kaniyang employer na mayroon siyang Salary Loan application dahil kailangan nila itong i-certify online sa loob ng tatlong araw. Kung hindi na-certify ng employer ang application sa loob sa itinakdang panahon, magpapasa muli ng panibagong application ang miyembro sa My.SSS Portal.
Sa oras na maaprubahan ang online application, iki-credit ng SSS ang loan proceeds sa enrolled bank account ng miyembro sa My.SSS Portal. Tandaan na may one percent service fee ang salary loan at ito ay awtomatikong ibinabawas sa halaga ng inutang ng miyembro.
Kung magbabayad na ng monthly amortization, tandaan din na ang Payment Reference Number (PRN) para sa loans ay available tuwing ika-pitong araw ng buwan sa “RTPL-PRN” Tab ng My.SSS Member Portal.
Mahalagang tandaan na ang Salary Loan ay may interest rate na karaniwang nasa 8% kada taon, ngunit maaaring tumaas depende sa loan history ng miyembro. Kapag mahuhuli sa pagbabayad, may ipinapataw na 1% penalty kada buwan. Dahil dito, pinapayuhan ang mga miyembro na maging responsable sa pag-avail ng salary loan at bayaran ito regularly nang maiwasan ang lumalaking interes at penalty. #
Kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan, magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph. Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na page ng SSS sa Facebook, X (dating Twitter), YouTube, at Viber – hanapin lang ang MYSSSPH. Bukas din ang usssaptayo@sss.gov.ph at SSS Hotline 1455 para sa inyong concerns at katanungan.
