Wikang Inati, Tinutukan ng KWF
Pinangunahan ng Tagapangulo ng KWF, Atty. Marites A. Barrios-Taran, ang kalagayan ng Wikang Inati sa komunidad ng mga Ati sa isla ng Boracay noong 18 Abril 2026. Katuwang sa nasabing gawain sina Fultaym Komisyoner Carmelita C. Abdurahman at Bise Alkalde ng Kalibo, Aklan na si Phillip Y. Kimpo Jr.
Binigyang-diin ng Tagapangulo sa kaniyang mensahe na ang pakikipamuhay at direktang pagpunta sa mga komunidad ay susi upang tunay na maunawaan ang kalagayan ng mga katutubong wika.
Layunin ng opisyal na pagpunta ay matiyak ang suporta ng lokal na pamahaalan para sa maayos na koordinasyong isasagawa ng Sangay ng Lingguwistika, Promosyon, at Publikasyon ng Komisyon para sa gawaing dokumentasyon ng Wikang Inati upang maiwasan ang tuluyang pagkawala nito at mapanatili ang mayamang kultura ng mga Ati sa gitna ng mabilis na modernisasyon sa isla.
Nagkaloob din ang KWF ng mga aklat at kagamitang pampaaralan para sa mga mag-aaral at miyembro ng komunidad bilang suporta sa kanilang edukasyon.
Ang gawain sa Boracay ay bahagi ng serye ng inisyatiba ng KWF sa lalawigan ng Aklan, na nagpapatunay sa masiglang kampanya ng komisyon sa pangangalaga ng mga rehiyonal na wika sa bansa. #
