Tatlong araw na Pambansang Kongreso sa Wikang Filipino at Katutubong Wika 2025, matagumpay na idinaos sa Bicol University (BU)

Tatlong araw na Pambansang Kongreso sa Wikang Filipino at Katutubong Wika 2025, matagumpay na idinaos sa Bicol University (BU)

Sa hangaring patuloy na maisulong ang pambansang identidad at maunawaan ang mayamang kultura ng bansa, nagkakaisang idinaos sa pangunguna ng mga direktor ng limang Sentro sa Wika at Kultura (SWK) sa Rehiyong Bikol ang Pambansang Kongreso sa Wikang Filipino at Katutubong Wika 2025 mulang 22-24 Nobyembre 2025 sa Bulwagang Buenó ng Bicol University na may temang “Tagapag-ugnay ng Kultura at Pagkakaisa, Pundasyon ng Pagkakakilanlan at Pagkamakabayan.”

Sa pagbubukas ng programa, nagpaabot ng mainit na pagbati si Dr. Baby Boy Benjamin D. Nebres III, SUC President IV ng Bicol University. Nagkaloob din ng makabuluhang mensahe si Dr. Carmelita C. Abdurahman, Fultaym Komisyoner ng KWF at kinatawan ng wikang Samar-Leyte na nagbigay-halaga sa mahigpit na pangangailangang pagyamanin ang mga katutubong wika upang manatiling buháy at masigla ang mga itó para sa susunod na henerasyon.

Sa pagpapatuloy ng programa, binigyan ng makabuluhang talakay ni Atty. Marites A. Barrios-Taran, Tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino ang paksang “Ang Papel ng Komisyon sa Wikang Filipino sa Pagpapayabong ng Wikang Filipino at Katutubong Wika bilang Pundasyon ng Pagkakakilanlan.” Bílang ikalawang tagapanayam, binigyang-linaw ni G. Jomar I. Cañega, Nanunungkulang Direktor Heneral ng KWF ang “Papel, Kalagayan, at Hinaharap ng mga Katutubong Wika: Pagsusulong ng Kultura, Pagkakakilanlan, at Pagkakaisa.”

Sa ikalawang araw ng Kongreso, iniharap ni Dr. Benjamin M. Mendillo Jr., Komisyoner at kinatawan ng wikang Ilokano ang “Papel, Kalagayan, at Hinaharap ng Wikang Filipino at ng mga Katutubong Wika: Pagpapanatili ng Kultura at Tradisyon sa Gitna ng mga Hamon at Nagbabagong Panahon.” At bílang panghuling tagapanayam, iniharap ni Prop. Cristina D. Macascas mula sa Pamantasang Normal ng Pilipinas ang mga hámon at makabuluhang karanasan kaugnay ng isinasagawang dokumentasyon sa komunidad at wikang Inâti sa isla ng Boracay.

Iniharap din sa Kongreso ang mandato at makabuluhang gampanin ng mga Sentro sa Wika at Kultura (SWK) bílang mga kabalikat ng KWF sa rehiyon sa pagtataguyod ng Filipino habang pinangangalagaan ang mga katutubong wika sa bansa sa pangunguna ni Dr. Leopoldo R. Transona Jr., Pangulo ng Pambansang Samahan ng mga Direktor ng SWK kasama sina Dr. Jovert R. Balunsay, Direktor, Sentro ng Wika at Kultura, Catanduanes State University, Dr. Felisa D. Marbella, Direktor, Sentro ng Wika at Kultura, Sorsogon State University, Dr. Marylet L. Londonio, Direktor, Sentro ng Wika at Kultura, Pamantasan ng Bikol, Dr. Rose Ann Aler, Direktor, Sentro ng Wika at Kultura, Camarines Norte State College.

Nagpakita rin ng mainit na suporta sa isinagawang Kongreso sina Dr. Evelyn C. Oliguino, Komisyoner, Kinatawan ng Wikang Bikol; Dr. Melchor E. Orpilla, Komisyoner para sa wikang Pangasinan; at Dr. Reggie O. Cruz, Komisyoner para sa wikang Kapampangan, gayundin ang mga pilíng kawani ng Komisyon sa Wikang Filipino.

Dinaluhan ang tatlong araw na Kongreso ng mga guro, mananaliksik, mag-aaral, at mga tagapagtaguyod ng wika mula sa Pamantasan ng Bikol, Catanduanes State University, Camarines Norte State College, Central Bicol State University of Agriculture, Sorsogon State University, gayundin ng mga guro sa elementarya at sekundarya mula sa iba’ ibang paaralan sa rehiyong Bikol at karatig na lalawigan ng Samar.

PRESS RELEASE