Tagapangulo ng KWF, Pinarangalan ng Pinakamataas na Gawad sa Lungsod ng Baguio
Ginawaran ng prestihiyosong Gawad Gintong Laurel si Atty. Marites A. Barrios-Taran sa Lungsod ng Baguio noong 25 Abril 2026, sa huling araw ng Pambansang Seminar-Palihan at Kumperensiya sa Filipino 2026. Pinagtibay ang parangal ng mga matataas na opisyal ng Pambansang Samahan ng mga Propesyonal at Mananaliksik sa Pilipinas, Inc. (PSPPI), sa pangunguna ng Pangulo at CEO nito na si Dr. Winnaflor G. Gaspar, kasama ang lupon ng mga Direktor ng samahan bilang pagpapatunay sa dangal at integridad ng naturang gawad.
Ang nasabing parangal, na itinuturing na pinakamataas na pagkilala mula sa PSPPI, ay iginagawad sa mga indibidwal at institusyong nagpakita ng natatanging kahusayan at karangalan sa kanilang larangan. Kinikilala rin nito ang taos-pusong paglilingkod at dedikasyong higit pa sa kanilang sinumpaang tungkulin, gayundin ang mga ambag na nagdudulot ng tagumpay para sa bawat Pilipino at sa buong bansa. Iginawad ang naturang pagkilala bilang bahagi ng tatlong-araw na Pambansang Seminar-Palihan at Kumperensiya sa Filipino 2026 na dinaluhan ng mga guro, mananaliksik, at dalubwika mula sa iba’t ibang panig ng bansa. #
