SM Umatras sa Baguio City Market Project sa Gitna ng Pagtutol ng Publiko
LUNGSOD NG BAGUIO, (Enero 5, 2026) — Tuluyan nang umatras ang SM Prime Holdings, Inc. sa planong muling pagpapaunlad ng Baguio City Public Market matapos ang matinding pagtutol ng mga vendor at mamamayan, at sa gitna ng hindi pagkakaunawaan ng iba’t ibang sektor hinggil sa direksyon at epekto ng proyekto sa makasaysayang pamilihan ng lungsod.
Ayon sa mga ulat, isa sa mga pangunahing dahilan ng pag-atras ng kompanya ay ang kawalan ng malinaw na pagkakaisa sa pagitan ng lokal na pamahalaan, mga vendor, at iba pang stakeholder. Naging sentro ng usapin ang pangamba ng publiko sa posibleng pagtaas ng renta, pagkawala ng kabuhayan ng maliliit na negosyante, at pagbabago sa tradisyunal na anyo ng pampublikong pamilihan.
Sa loob ng ilang linggo, patuloy ang mga kilos-protesta at panawagan ng mga vendor at residente laban sa proyekto, na kanilang ikinababahala na maaaring humantong sa “pribatisasyon” ng pamilihan na matagal nang nagsisilbing kabuhayan at bahagi ng kultura ng Baguio.
Ayon kay City Mayor Benjamin B. Magalong, “nakatanggap ako ng tawag mula sa SM na may advance notice nung December 19, na naka prepare na ang letter stating that they are withdrawal, kaya natanggap ko yun letter nila December 22 na at nilabas ito after Christmas season. At least meron na tayong term of preference sa market, we can publish it at tingnan natin kung may interesado uli na mag participate pa uli, we can conduct bidding, anyway sinasabi naman ng mga vendors at BAMARVA na may pera sila kaya raw nila i-sustain ang development ng market, the last time nag submit sila ng proposal incomplete naman yun proposal at they will take the loan pero guarantor ang government hindi naman pwede yun, kaya hindi talaga sila papasa sa proposal nila.
At this time, meron sila opportunity ngayon to participate, maganda nito meron na tayo term of preference base dun sa nangyaring negotiation.
Tungkol naman sa mga information natanggap ko sa SM ay frustrated lang sila sa maraming kasinungalingan yun mga malisyosong intriga lumabas kaya better na lang they would rather withdraw kasi marami ng tao nadadawit kung anu ano lumalabas at marami na rin tao ang nasisira maganda naman ang intensiyon,”
Ang pakiusap ni Mayor sa SM ay “why not give it back to the community as a legacy project,” at tinugunan naman ito ng SM na “Okay, we’re making it as a legacy project,”
Ipinaglalaban ng mga Vendor ay: “Kabuhayan nila ang Nakataya”
Para sa maraming vendor, ang balita ng pag-atras ng SM ay nagdulot ng halo-halong emosyon—ginhawa, ngunit may kasamang pangamba sa hinaharap ng pamilihan.
“Hindi kami tutol sa kaunlaran,” ani ng isang matagal nang vendor sa pamilihan. “Ang hinihiling lang namin ay sana kami muna ang pakinggan, dahil dito sa palengke nagsimula umiikot ang buhay at kabuhayan ng aming pamilya.”
Isa pang vendor ang nagsabing mahalaga ang modernisasyon, ngunit dapat umano itong isagawa ay hindi isinasakripisyo ang maliliit na negosyante. “Kung mawawala kami rito dahil sa mataas na renta o bagong patakaran, saan kami pupunta?” tanong niya.
Panawagan para sa Mas Malinaw at Makataong Plano
Sa kabila ng pag-atras ng SM Prime Holdings, nananatiling bukas ang usapin sa kung paano tutugunan ng pamahalaang lungsod ang pangangailangang ayusin at pagandahin ang Baguio City Public Market. Marami ang nananawagan ng mas malawak na konsultasyon, malinaw na impormasyon, at planong inuuna ang kapakanan ng mga vendor at mamamayan.
Para sa mga vendor, malinaw ang mensahe: ang kaunlaran ay dapat sabay na isinusulong ang dignidad, kabuhayan, at kultura ng lokal na komunidad.
“Hanggang kailan mabibigyan ng katuparan ang modernisasyon ng Baguio City Public Market kung puro na lang pangongontra ang ginagawa ng ilang kritiko? Nakakaawa ng pagmasdan at masakit sa ating paningin ang sitwasyon ng ating palengke lalo na sa wet market,” tanong naman ng ilang mamimili.
Sa ngayon, umaasa ang publiko na magsisilbing aral ang nangyaring ito upang matiyak na ang mga susunod na proyekto ng lungsod ay may sapat na dayalogo, malasakit, at pagkakaisa—bago pa man ito ipatupad. # Mario Oclaman // Filipino News Sentinel
