Sama-samang suporta para sa mga guro sa pamamagitan ng ‘power of clothing’

Sama-samang suporta para sa mga guro sa pamamagitan ng ‘power of clothing’

UNIQLO, BDO Network Bank, BDO Foundation at ang Department of Education, nagsanib-puwersa upang magbigay ng LifeWear para sa mga guro sa pampublikong paaralan sa buong bansa

In the Photo: Sama-samang Suporta para sa mga Guro sa Pamamagitan ng Power of Clothing. (from left) UNIQLO Philippines Chief Operating Officer Geraldine Sia, Department of Education Secretary Sonny Angara, BDO Network Bank Group Head Alberto O. Quiogue, at BDO Foundation President Mario A. Deriquito noong ginanap na ceremonial turnover ng UNIQLO AIRism shirts na ipamamahagi ng DepEd sa public school teachers sa bansa.

Ang edukasyon ay isa sa pinakamahalagang haligi ng pag-unlad ng bansa. Alinsunod sa paniniwalang ito, nagsama-sama ang UNIQLO, BDO Network Bank (BDONB), at BDO Foundation para sa pandaigdigang Heart of LifeWear Project, isang inisyatiba na naglalayong magbigay ng LifeWear clothing items sa mga nangangailangan sa iba’t ibang panig ng mundo. Sinimulan ng Uniqlo ang proyektong ito noong 2024 at sa kasalukuyan, nakapagkaloob na ng mahigit isang milyong kasuotan sa mga katuwang na komunidad sa buong mundo.

Sa pakikipagtulungan ng Department of Education (DepEd), layunin ng lokal na bersyon ng Heart of LifeWear na magbigay ng AIRism shirts sa 10,000 guro sa pampublikong paaralan, upang mabigyan sila ng komportableng kasuotan at masuportahan ang kanilang pang-araw-araw na tungkulin.

Isinagawa kamakailan ang ceremonial turnover sa Department of Education Office sa Makati, kung saan pormal na ipinagkaloob ng mga kinatawan ng tatlong institusyon ang 10,000 AIRism T-shirts na ipamamahagi sa mga guro sa buong bansa.

Dumalo sa naturang kaganapan sina UNIQLO Philippines Chief Operating Officer Geraldine Sia, Department of Education Secretary Sonny Angara, BDO Network Bank Group Head Alberto O. Quiogue, at BDO Foundation President Mario A. Deriquito, kasama ang mga opisyal ng DepEd, BDO, at mga miyembro ng UNIQLO’s Sustainability team.

Ang pakikipagtulungan sa UNIQLO Philippines ay nagpapakita ng patuloy na adbokasiya ng BDO Network Bank na itaguyod ang kapakanan ang mga guro—hindi lamang sa pamamagitan ng abot-kayang serbisyong pinansyal, kundi pati na rin sa iba pang mga programang  gaya ng Teacher’s Loan, financial literacy, at mga proyektong pangkomunidad. Sa pakikiisa sa DepEd, patunay ito na ang BDO Network Bank ay maaasahang katuwang ng sektor ng edukasyon.

“Kapag inaalagaan at pinahahalagahan natin ang mga guro, mas lumalakas ang mga pamayanang umaasa sa kanila. Ipinapakita ng pagtutulungang ito na kahit simle lang ang paraan, malinaw ang pasasalamat at iisang direksyon natin. At higit pa sa ginhawang dala ng mga damit, ito’y pagkilala at pagpupugay sa mga gurong araw-araw na nagsusumikap para sa ating mga mag-aaral. Investing in teachers means investing in the country’s future,” dagdag ni Department of Education Secretary Sonny Angara.

“Ang aming Heart of LifeWear ay sumasaklaw sa diwa ng aming pilosopiya—damit para sa lahat, na may layuning bigyang-lakas ang tao at pagandahin ang kanilang pang-araw-araw na buhay. Sa pamamagitan ng inisyatibang ito, ipinapakita namin ang aming pasasalamat sa mga guro sa pampublikong paaralan na tapat na naglilingkod, at umaasa kaming ang munting handog na ito ay magbibigay sa kanila ng ginhawang kailangan upang magpatuloy sa kanilang mahalagang tungkulin,” ani UNIQLO Philippines Chief Operating Officer Geraldine Sia.

Dagdag pa ni BDO Foundation President Mario A. Deriquito, “Nakatuon kami sa patuloy na pakikipagtulungan sa DepEd upang maitaguyod ang mas matibay na komunidad ng edukasyon, lalo na ang ating mga guro. Sisikapin naming makapagpatupad ng mas marami pang makabuluhang proyektong makapagbibigay benepisyo para sa mga guro at mag-aaral.” “Para sa BDO Network Bank, ang inisyatibong ito ay muling nagpapatunay sa aming adhikain na bigyang-lakas ang mga guro—hindi lamang sa pamamagitan ng serbisyong pinansyal kundi sa kabuuang suporta na makatutulong sa kanilang pang-araw-araw na buhay,” ani BDO Network Bank Group Head Alberto O. Quiogue. ###

PRESS RELEASE