Ramon Magsaysay awardee, mga kinatawan ng iba’t ibang sektor, pinuri ang planong pang-hanapbuhay ni Robredo
Pinangunahan ni Ramon Magsaysay 2021 awardee at lider ng mga mangingisda na si Robert “Ka Dodoy” Ballon ang mga kinatawan ng iba’t-ibang sektor na nagsabing inaabangan nila ang pagsasakatuparan ng planong “Hanapbuhay Para Sa Lahat” ni Vice President Leni Robredo kapag nanalo siya bilang Pangulo sa Halalan 2022.
Inanusyo ni Robredo ang kanyang “Hanapabuhay Para Sa Lahat” nuong Biyernes, ika-10 ng Disyembre. Dumalo sina Ballon at iba pang sectoral representatives sa pag-anunsyo at pagtalakay ni Robredo ng kanyang jobs plan na ginanap sa Office of the Vice President (OVP).
Para kay Ballon, talagang naiintindihan ni Robredo ang problemang kinakaharap ng pang-agrikulturang sektor sa “value chain”.
“Alam niya kung ano ang problema sa baba, ano ang problema sa market at ano yung problema talaga ng ating mga sector ng mangingisda at magsasaka para paano sila umasenso at makisabay sa programang pangkabuhayan umangat talaga sa kahirapan,” paliwanag ni Ballon, na miyembro rin ng Pambansang Kilusan ng Samahang Magsasaka (PAKISAMA).
Natitiyak naman ni PAKISAMA president Herminio Absalon na ang plano ni Robredo na mag-develop ng mga modernong pamamaraan ng pagsasaka at mamuhunan sa berdeng imprastraktura ay magpapalago sa industriya ng pagsasaka.
Nagtitiwala rin si Absalon na maisasakatuparan ito kapag nanalo si Robredo sa eleksyon sa Mayo 2022. Bago pa man siya naging pulitiko, tumutulong na rin si Robredo na tugunan ang problema ng mga magsasaka lalo na sa isyu ng mga lupang sakahan, ayon kay Absalon.
“Kasi si VP Leni, hindi pa siya tumatakbo, wala pa siya sa politika suportado na niya kaming maliliit na magsasaka. Marami na siyang natulong sa amin lalong-lalo na sa usaping lupa. Kung iyon ang mga plataporma niya na gagawin niya pag-upo niya bilang Presidente, naniniwala kami 100% kasi kapag si VP Leni nagsalita, ginagawa,” ani Absalon.
Inaabangan naman ni Jaybee Garganera, kinatawan ng Green Agenda for Leni, ang plano ni Robredo para sa green development ng mga local government unit.
Makatutulong daw hindi lamang sa kalikasan kundi maging sa mga mamamayan ang pagsusulong ng “Green Transport”, gaya ng mga e-jeepney, e-tricycle, iba pang mga climate-friendly na sasakyan, at ang pagtatayo ng mga berde at matitibay na imprastraktura.
“Pangangalagaan mo ang kalikasan, napakaimportante sa amin noon kasi walang kwenta kung may trabaho ka ngayon pero masisira ‘yung kalikasan 10, 20 years down the road. Sira ‘yung bansa, sira ‘yung planeta. Ang paniniwala namin, walang negosyo at walang trabaho sa isang patay na planeta,” sabi ni Garganera.
Ang pagpapalakas naman sa industriyang teknolohiya at pagpapatupad ng anti-age discrimination law ang mga pinakamahahalagang punto ng plano para sa hanapbuhay ni Robredo, ayon kay Catherine Christine Raposas, na kumakatawan sa sektor ng IT BPO.
Nagtatrabaho si Raposas ngayon sa industriya ng business process outsourcing at naniniwalang magiging malaking bentahe ng mga manggagawa sa kanilang industriya kung mapapabilis ng gobyerno ang internet sa buong bansa dahil sa umiiral na work-from-home na set-up.
“If the workers can work close to their homes and their families, they’ll be happy workers and happy workers are productive workers,” giit ni Raposas.
Nakasentro ang programang “Hanapbuhay Para Sa Lahat” ni Robredo sa pagbabalik ng tiwala sa gobyerno, pagpapalakas ng iba’t-ibang industriya sa bansa, pagtigil sa diskriminasyon sa trabaho, pagbibigay ng suporta sa mga maliliit na negosyo, at saluhin ang mga nawalan ng trabaho. [END]