Pulong para sa Paghahanda ng MOA sa FSL at FSL Interpreting, ginanap

Bílang bahagi ng pagpapalawig ng Filipino Sign Language (FSL) at FSL Interpreting, nagsagawa ng pulong ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), partikular na ang Tagapangulo, Komisyoner sa Pangasiwaan at Pananalapi, at ang Yunit ng FSL, kasama ang National Coordination Network of Deaf Organizations (NCNDO), at ang National Coordination Network for Interpreting (NCNI) noong 18 Agosto 2025.

Ang nasabing pagpapalawig ay nakaangkla sa Batas Republika 11106 o ang FSL Act, na nagtatakda sa KWF at sa Deaf Community at iba pang grupo na bumuo, magsuri, at magproseso ng sistema para sa FSL Interpreting. Kaugnay rito, magkakaroon ng lagdaan ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng NCNDO, NCNI, at KWF upang sáma-sámang isulong ang mga itinatakda ng batas.

Nailatag din sa pulong ang mga panukalang proyekto ng NCNDO at NCNI na inaasahang maisasakatuparan hanggang katapusan ng taon. Isa sa mga pangunahing tinalakay ay ang badyet para sa pagtugon sa mga proyekto.
Ayon kay Kom. Benjamin M. Mendillo Jr., Komisyoner sa Pangasiwaan at Pananalapi, mahalagang pag-usapan ng pangkat ang mga napagkasunduang gawain na ipatutupad ngayong taon. Dagdag pa niya, anumang pagbabago o modipikasyon mulâ sa mga panig ay tatanggapin lámang sa pasubaling ito ay dadaan sa masusing rebyu at aprobasyon.
Tiniyak naman ni Atty. Marites A. Barrios-Taran, Tagapangulo ng Komisyon, na ang tanggapan ay mananatiling matatag na sumusuporta sa pagtataguyod ng mga karapatan ng mga Bingi.
Inaasahan na muling magsasagawa ng pulong ang grupo para sa susunod na paghahanda ng MOA at lagdaan nito. ###