Panahon na para lalo pang paigtingin ang urban planning at spillway system sa bansa – BBM
MANILA – (December 29, 2021) – Ito ang sinabi ni Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., bilang reaksyon sa nangyaring pagbaha sa malaking bahagi ng Visayas region dulot ng bagyong Odette.
Ayon kay Marcos, ang pananalanta ni Typhoon Odette na kumitil sa buhay ng 375 katao at hinihinalang tataas pa ay tila naulit na trahedya ng bagyong Ondoy noong October 2009 kung saan ay 710 katao naman ang namatay at puminsala rin ng milyun-milyong ari-arian.
Masakit aniyang tanggapin ang mga pangyayaring ito na nangyayari sa mismong panahon pa ng Kapaskuhan at sa gitna ng krisis sa Covid-19.
Para kay Marcos, dapat ay maging seryoso at pinaghahandaan na ang ganitong uri ng sakuna — hindi lamang sa preparasyon sa ‘evacuation centers’ kundi ang magkaroon na rin ng ‘long-term solution’ para maiwasan ang malawakang pagbaha.
Isa sa nakikitang solusyon ni Marcos ay ang pagpapaigting sa ‘urban planning,’ partikular na ang pagbisita sa mga ‘spillway project’ ng pamahalaan.
Ang mga spillway ay istraktura na ginawa upang magbigay ng ligtas na pamamaraan para makontrol ang daloy ng tubig patungo sa mga lawa at karagatan at maiiwas sa mga mababa at madalas na binabahang mga lugar, lalo na sa panahon ng tag-ulan at may mga bagyong tulad ng Odette.
Sinabi ni Marcos na natatandaan niya, noong dekada 70’s ay binayo na rin ng malakas na bagyo ang Pilipinas na nagdulot din ng malawakang pagbaha, hindi lamang sa Maynila kundi sa lahat halos ng lugar sa bansa.
Kaya agad nagplano noon ang kanyang amang si dating Pangulong Ferdinand Marcos, na magpagawa ng apat na spillway projects sa Metro Manila.
“Agad iniutos ng aking ama, na regular linisin ang mga estero at hindi lang maglagay ng spillway para kung saan puwedeng lumabas ng tubig kung hindi mayroon ding urban planning na ginawa na para hindi masyadong marami ang isang tao sa lugar at maayos ang patakbo ng serbisyo sa bawat lugar,” anang dating senador.
Isa ang ‘urban planning’ na binigyan ng prayoridad at noong panahong iyon ay ni-relocate ang mga ‘informal settler’ sa maayos na tirahan tulad ng BLISS (Bagong Lipunan Improvement of Sites and Services) at National Housing Authority (NHA) mula sa Ministry of Human Settlement.
“Kung makita ninyo ang development diyan sa may bandang Batasan, diyan sa Circle. Kung puro government offices iyan dahil diyan na inilipat ang government center kasi iyong mga opisina na nasa Maynila pa, originally ay matrapik masyado,” wika niya.
“Iyong iba, yung relocation, iyong mga flood hit areas. Nilipat ang mga tao dun. Dinala sila sa mas mataas para hindi na sila tinatamaan ng flood. Iyong iba naging BLISS project, iyong iba naging NHA project, bukod pa roon ay gumawa ng malaking plano para magkaroon ng spillway,” wika rin niya.
Natapos aniya ang unang spillway noong 1983. Ang ikalawang spillway ay natapos 1984 at taong 1985 naman natapos ang pangatlo.
“Iyong gagawin iyong 1986 ay na-cancel. Kinansel dahil sa kudeta noong ’86 kaya’t tinigil lahat ng project ng father ko kaya hindi na natuloy iyon,” wika pa ni BBM.
Mismong sa news program ng 24-Oras ng GMA 7 ay kinumpirma ni Architect Jun Palafox na kaya nagkaroon ng matinding pagbaha noong Ondoy dahil hindi na itinuloy ang pagpapatayo ng Paranaque spillway.
Sinusugan pa ni Palafox ang kanyang pahayag sa programang State of the Nation Address ng multi-awarded broadcast journalist Jessica Soho sa pagsasabing: “So iyong Paranaque spillway na iprinoposed natin with the world bank funded project.
Para kay Marcos, ang mga dating plano tungkol sa urban planning at mga spillway ay hindi dapat balewalain dahil taun-taon, sadyang hindi mapipigilan ang pananalanta ng malalakas na bagyo likha na rin ng climate change.
“Dapat balikan natin iyong mga planong iyan. Tingnan natin kung ano ba ang magamit natin at kung ano pa ang bagong gawin dahil marami na ring bago. May mga teknolohiya na wala pa naman, noon eh baka puwede natin gamitin. Mayroon na tayong nasimulan, ituloy na lang natin iyong magandang plano. Para sana naman mabawasan itong nagiging problema tungkol sa baha,” sabi pa ni Marcos. ###