Paghihiraya ng Rights of Nature sa taong 2036 hanggang 2046 “Living in Harmony with Nature” (RoN) sa Isla
Boac, Marinduque – Nagkaroon ng dalawang araw na gawain ang Philippine Misereor Partnership Inc. (PMPI) at Marinduque Council for Environmental Concerns (MACEC) para sa participatory community “re-imagining and visioning” sa susunod na 10 hanggang 20 taon sa isla. Kasama ang mga kalahok sa akademya, kabataan, simbahan at kababaihan na maging dating opisyal at kasalukuyang halal na opisyal noong Pebrero 17 at 18 sa Diocese of Boac Pastoral Center.

Sa unang araw, nagsimula sa paghahanda para makabuo ng pagtitiwala sa bawat isa, malaman ang mga inaasahan at ilatag ang panuntunan sa pagdaloy ng talakayan at gawain. Nagkaroon ng panalangin at ritwal para sa inang kalikasan. Umikot din ang pagpapakilala at inaasahan sa pagtitipon sa pamamagitan ng pagbabahagi ng paboritong pook ng kalikasan sa isla.
Pagkatapos nito, tumungo sa pagpapaliwanag ng konteksto at rasyonal ng pangngarap ng isang bagong Marinduque na may pananaw ng RoN. Dahil mayaman ang isla sa kabundukan, ilog, bahura, bakawan at baybayin, may kasaysayan ng pinsalang pangkalikasang dulot ng pagmimina. Sa kabila nito ay may malakas na pagkilos ang mga mamamayan, people’s organization at non-governmental organization para protektahan ang kalikasan.
Mataas ang suporta ng simbahan sa proteksyon para sa kalikasan – Laudato Si, integral ecology at disaster risk reduction. May mga lokal na pinuno na kakampi at kaagapay, may suporta sa Marinduque State University at umiiral na RoN environmental code na mas malawak ang pag-unawa sa RoN sa mga barangay.
Kabilang sa mga layunin ng pagtitipon, batay sa PMPI, maisalarawan sa sariling pagkaunawa ang kasalukuyang lagay ng Marinduque mula sa sistemang pangkabuhayan, pampulitika at sosyo-kultural. Kasama din sa layunin ang suriin kung paano ito nakaayon o sumasalungat sa RoN. Pagkatapos, mangarap ng isang Marinduque na ganap na yumayakap sa RoN. Sa huli, tukuyin ang mga hakbang at estratehiya upang makarating sa hinaharap na iyo.

Sa pangalawang araw, isinagawa ang visioning/pangangarap ng “Marinduque Living the RoN Framework” at nagnilay sa pinalabas na dokumentaryo na The Power of Local mula sa iba’t ibang ehemplo sa buong mundo. Nahati ang mga kalahok sa apat o limang pangkat, kagaya ng 42-minutong pelikula; iba-iba ang tampok na komunidad: local food, local economies & governance, local fishery, local energy, at education reimagined. Sinubukan ng mga kalahok kasama ang mga pangkat sa pamamagitan ng pagguhit, paggawa ng diorama, pagbuo ng istorya o storytelling at dula o skit. #
