Outreach Program service to the residents of Natonin, Mt. Province
“Malayo man ay malapit din” yan ang pinatunayan ng mga kapulisan ng Natonin MPS kasama ang kanilang partner agencies at stakeholders na nakapag-abot ng iba’t-ibang serbisyo sa higit 200 residente sa dalawang malalayong sitios ng Natonin, ang Tappo at Apapawan.
Ayon sa Natonin MPS, sa sitio Tappo, barangay Banawel, serbisyong medikal (check-up at vaccination), feeding program, libreng gupit at information drive ang kanilang inihatid sa mga residente. Sa pakikipagtulungan ng Barangay Officials, Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), Rural Health Unit (RHU), at mga guro ng Tappo Elementary School ay may 126 residente ang nahatiran ng tulong.
Samantala, sa sitio Apapawan, barangay Balangao, bukod sa serbisyong pang-pisikal na feeding program, libreng gupit, at info drive ay naghatid din sila ng serbisyong pang-ispiritwal na pinangunahan ni Pastor Immatong. Kasama sa aktibidad ang mga aktibong barangay officials at guro ng Apapawan Elementary School kung saan may 101 residente ang natulungan.
Sa kabuuan ay may 227 residente ang naabutan ng mga serbisyo sa naisagawang Outreach Programs.(PROCOR-PIO)