Mga Pribado at Government Hospital, namemeligrong magsara dahil sa utang ng PhilHealth – IMEE

MANILA – (June 1, 2021) – Nagbabala si Senador Imee Marcos sa Philhealth na ang patuloy na pagka-antala ng pagbayad sa mga government at private hospital para sa ginastos nila hinggil sa Covid-19 ay magpapahina sa kanilang kapasidad na puksain ang pandemya at maglalagay pa sa kanila sa peligrong tuluyang magsara.

“Base sa mga reklamong nakakarating sa aming tanggapan ay halos nasa Php26 billion pa ang hindi nabayarang utang ng PhilHealth sa mga pribadong ospital pa lang, habang sa mga government hospital nama’y nasa daan-daang milyon pa. ‘Wag na nating hintayin pang maging sanhi ito ng kanilang pagsasara o pabayaan silang hindi maging handa sa posibleng pagkalat ng kinatatakutang Delta variant,” pangamba ni Marcos.

Kamakaylan lang, inanunsyo ng PhilHealth na naglabas na ito ng nasa Php6.3 billion sa pamamagitan ng bagong sistema ng pagbabayad sa mga ospital na mas kilalang ‘Debit Credit Payment Method’ (DCPM) na sinimulan noong Abril.

Pero, sinabi ni Marcos na kulang pa rin ang bayad ng PhilHealth sa mga ospital dahil hindi nasama sa DCPM ang mga di pa rin nababayarang gastos ng mga ospital para sa Covid-19 treatment nitong nakaraang taon.

“Hindi nasusunod ng DCPM ang pagbayad ng 60% ng mga sinisingil ng mga ospital, ayon sa direktiba mismo ng ahensya noong Abril at Mayo,” diin ni Marcos.

Tinukoy ni Marcos ang isang kaso ng pribadong ospital na nasa Php430 million lang ang naibalik o nabayaran ng PhilHealth mula sa utang nitong nasa kabuuang Php1.2 billion, na “60% ng 60% – o lumalabas na tanging 36% lang – ang binayaran ng PhilHealth gamit ang DCPM.”

Maging ang mga government hospital ay di pa nakatatanggap ng kabuuang 60% na bayad, na dapat sanang inilabas na ng PhilHealth, dagdag pa ni Marcos.

Nitong May 31, ang Philippine General Hospital ay nakatanggap lang ng reimbursement o bayad na Php2.56 million o 0.0042% ng kabuuang Php615.7million na dapat bayaran ng Philhealth.

Ang Philippine Heart Center naman ay nagsabing 49% pa lang o Php99.47 million ang nababayaran ng Philhealth, at mahigit pang Php100 million ang kulang.

Umaabot naman ng Php304 million ang kulang na bayad sa Lung Center of the Philippines, dahil 40% pa lang ang nabibigay ng Philhealth.

“Iniimbento lang ng PhilHealth ang mga numero,” ani Marcos, na tumutukoy sa online ledger na tinatawag na Reconciliation Summary Module (RSM), kung saan pawang may access ang PhilHealth at mga ospital.

“Nagrereklamo ang mga ospital dahil ipinakikita sa RSM na nagbayad  na ang PhilHealth, gayong hindi pa ito naidedeposito sa kanilang mga bank account,” paliwanag ni Marcos.

“Maraming ospital sa Northern Luzon ang hindi magawang damihan o taasan ang kanilang ‘bed capacity’ dahil hindi pa sila nababayaran ng PhilHealth,” ani Marcos, dagdag pang binanggit ang mga nababalitang reklamo ng mga ospital sa Western Visayas.

Kinumpirma naman ng Private Hospitals Association of the Philippines (PHAPi) na ang pagbayad sa kanilang mga miyembro ay nakasentro lang sa National Capital Region (NCR) Plus bubble ng Metro Manila at karatig probinsya.

Sa ngayon, ang mga pumayag na sumali sa DCPM ay umaabot pa lang sa 210 mula sa kabuuang 350 mga ospital sa NCR Plus bubble at 1,270 health care facilities sa buong bansa.

Ayon sa PHAPi, na may 700 miyembro, nakadagdag pa sa delay ng reimbursement o pagbabayad ng PhilHealth ang pagsasawalang-kibo o hindi pagrereklamo ng mga ospital na hindi pa rin nababayaran dahil sa pangambang bweltahan sila ng ahensya.

“Kailangang klaruhin ng Philhealth ang hindi pagkakatugma sa sinasabi nilang nabayaran na at ang aktwal na natanggap ng mga ospital. ‘Wag na nating hintayin na kumalat ang Delta variant bago pa tayo kumilos,” giit ni Marcos. ###

PRESS RELEASE