Marijuana Eradication Operations sa Benguet Naging Matagumpay; P4.1M na Halaga ng Marijuana Sinunog
Matagumpay na naisagawa ang isang araw na magkakahiwalay na marijuana eradication operations ng mga operatiba ng Police Regional Office Cordillera Administrative Region (PRO CAR) matapos madiskubre ang PhP4,130,000.00 na halaga ng mga tanim na marijuana sa lalawigan ng Benguet noong Pebrero 23, 2026.
Sa Kibungan, sampong plantasyon na natamnan ng 7,650 Fully Grown Marijuana Plants (FGMJP) at 20 kilos ng marijuana leaves with fruiting tops na may kabuuang Standard Drug Price (SDP) na PhP3,930,000.00 ang natagpuan sa Brgy. Badeo at Brgy. Tacadang.
Naging matagumpay ang sinabing operasyon sa pagtutulungan ng pinagsanib na puwersa ng Kibungan Municipal Police Station (MPS), 1st at 2nd Benguet Provincial Mobile Force Company (PMFC), Provincial Intelligence Unit (PIU), Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU), at Provincial Community Affairs and Development Unit ng Benguet Police Provincial Office (PPO), Regional Mobile Force Battalion 15 (RMFB15), Regional Intelligence Unit (RIU)-14, PNP Special Action Force-Benguet, Drug Enforcement Unit-CAR, at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-CAR.
Dagdag pa rito, isa pang plantasyon na natamnan ng 750 FGMJP na may SDP na PhP150,000.00 ang nadiskubre ng mga operatiba mula Bakun MPS, 1st Benguet PMFC, PIU at PDEU ng Benguet PPO, Regional Intelligence Division ng PRO CAR, RIU-14, at PDEA-CAR sa Barangay Kayapa, Bakun. Habang nadiskubre naman ang 250 FGMJP na may SDP na PhP50,000.00 sa isang communal forest sa Brgy. Pongyan, Kapangan ng mga operatiba mula sa Kapangan MPS, 2nd Benguet PMFC, RIU-14, RMFB15, at PDEA-CAR.
Agad na binunot at sinunog ang mga natuklasang marijuana haban ilang samples ang dinala sa Regional Forensic Unit- CAR para sa qualitative test, habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang iba pang posibleng plantasyon sa mga kalapit na lugar at mapanagot ang mga nasa likod ng ilegal na pagtatanim nito. (RPIO PRO CAR / File Photo)
