Mahigit P8.5M na Halaga ng Iligal na Droga, Nasamsam; Isang Drug Personality, Arestado
Matagumpay na naisagawa ng mga kapulisan ng Police Regional Office Cordillera Administrative Region (PRO CAR) ang walong magkakahiwalay na anti-illegal drug operations na kung saan nakumpiska ang aabot sa PhP8,597,200.00 na halaga ng iligal na droga at naaresto ang isang drug personality sa probinsya ng Benguet at sa lungsod ng Baguio noong ika-26 ng Marso, 2026.
Sa Benguet, nadiskubre ang 17,005 fully grown marijuana plants at 42,735 grams na dried marijuana stalks and leaves with fruiting tops na may kabuuang Standard Drug Price (SDP) na PhP8,529,200.00 sa serye ng marijuana eradication operations at search warrant na inilunsad sa Tublay, Kibungan, Kapangan, at Bakun.
Ang nasabing mga operasyon ay naging matagumpay dahil sa pagtutulungan ng mga operatiba mula sa iba’t ibang yunit ng Benguet Police Provincial Office; Regional Police Drug Enforcement Unit (RPDEU), Regional Headquarters at Regional Intelligence Division (RID) ng PRO CAR; Regional Mobile Force Battalion 15; Special Operations Unit-CAR; Special Operations Group-CAR; Regional Intelligence Unit 14 (RIU-14); at Philippine Drug Enforcement Agency-CAR.
Lahat ng nadiskubreng marijuana ay agad na binunot at sinunog ng mga operatiba, habang patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy at mapanagot ang mga responsable sa pagtatanim nito.
Samantala, sa Baguio City, naaresto ang isang 20-anyos na lalaki na nakalista bilang Street Level Individual, sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Irisan ng magkasanib na pwersa ng RPDEU at RID ng PRO CAR; iba’t ibang yunit ng Baguio City Police Office; SOU-CAR, at RIU-14 matapos nitong ibenta ang isang heat-sealed plastic transparent sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu na may bigat na limang gramo at SDP na PhP34,000.00. Habang siya ay inaaresto, nakuha ang isa pang sachet na naglalaman ng pinaghihinaang shabu na may bigat na limang gramo at may SDP na PhP34,000.00.
Ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa kustudiya ng RPDEU-PRO CAR para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon. Ang suspek ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (RPIO PRO CAR / File Photo)
