KWF ISINAGAWA ANG TAUNANG PAGPAPLANO PARA SA FY 2026-2027
Isinagawa ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang taúnang Pagpaplano para sa Fiscal Year 2026–2027 mulang 2-5 Disyembre 2025 sa Tagaytay Haven Hotel–Ulat Branch.
Binuksan ni Tagapangulo Atty. Marites A. Barrios-Taran ang programa sa pamamagitan ng isáng mainit na bating-pagtanggap na nagbigay-diin sa kahalagahan ng mas pinatibay na koordinasyon upang matugunan at mapalakas pa ang mga programang pangwika ng KWF. Sinundan itó ng paglalahad ni Dr. Benjamin M. Mendillo Jr. ng pangkalahatang tunguhin ng KWF para sa mga susunod na taón.
Tampok sa unang araw ng pagpaplano ang pagsasagawa ng SWOT Analysis ng bawat Sangay ng KWF hinggil sa naging implementasyon ng mga programa at proyekto ng ahensiya na nasa pangangasiwa ng mga itó. Sa ikalawang araw ay nagkaroon ng inter-aktibo at produktibong talakayan tungkol sa mahusay na pagbalangkas ng mga panukalang proyekto para sa Programs, Projects, and Activities (PAPs) ng KWF para sa 2026 na iniharap ng bawat punò ng Sangay para sa konstruktibong puna at rekomendasyon ng Lupong Tagapagpaganap, mga Komisyoner, at mga Direktor ng Sentro sa Wika at Kultura na nakiisa sa pagpaplano.
Sa pagtatapos ng gawain, nagbigay si Dr. Carmelita C. Abdurahman ng pangwakas na pananalita na humihikayat sa lahat ng kawani at komisyoner na patuloy na magsikap, makipag-ugnayan, at magtaguyod ng mabubuting gawi para sa pagsusulong ng pambansang wika at iba pang wikang katutubo.
Dumalo at nakibahagi rin sina Komisyoner Reggie O. Cruz (kinatawan ng wikang Kapampangan), Komisyoner Evelyn C. Oliquino (kinatawan ng wikang Bikol), Komisyoner Melchor E. Orpilla (kinatawan ng wikang Pangasinan), at Komisyoner Ruth M. Tindaan (kinatawan ng mga wika ng Kahilagaang Pamayanang Kultural). Gayundin ang mga Direktor ng Sentro sa Wika at Kultura na pinangunahan nina Dr. Leopoldo Transona, Jr. (Central Bicol State University of Agriculture); Dr. Radji Macatabon (University of Southern Mindanao); Dr. Rowena N. Ariaso (Leyte Normal University): Dr. Alnadzma U. Tulawi (Sulu State University). #
