KWF at ISU lumagda ng MOU

KWF at ISU lumagda ng MOU

Pinagtibay ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at Isabela State University (ISU) ang kanilang ugnayan tungo sa pagtataguyod ng kapakanang pangwika at pangkultura sa pamamagitan ng paglagda ng Memorandum ng Unawaan (MOU), noong 16 Enero 2026 sa Bulwagang Romualdez, tanggapan ng KWF.

Layunin ng kasunduang ito na higit na mapatatag at mapaigting ang pagkakaisa ng dalawang panig sa pagsulong, pagpapaunlad at pagpapalaganap wikang Filipino at iba pang mga wika sa Pilipinas, kabilang ang Filipino Sign Language.

Sa panig ng KWF, nilinaw ni Tagapangulo Atty. Marites A. Barrios-Taran na mahalaga para sa intelektuwalisasyon ng wikang Filipino ang aktibong ugnayan ng KWF at mga institusyong akademiko sa mga programang pananaliksik, pagsasanay, at adbokasiyang pangwika, dahil ito ay hindi lámang tungkulin ng iilan.

“Ang kasunduang ito ay buong sinusuportahan ng Komisyon,” pahayag ni Dr. Benjamin M. Mendillo Jr., Komisyoner sa Pangasiwaan at Pananalapi ng KWF.

Ipinaabot ng Pangulo ng ISU na si Dr. Boyet L. Batang ang ganap na pakikiisa ng ISU sa pagpapatupad ng mga programang nakapaloob sa kasunduan.

Kasama rin sa mga dumalo mula sa ISU sina Prof. Dr. Precila C. Delima, Pangalawang Pangulo pára sa Academic Affairs; Prof. Dr. Isagani P. Angeles, Pangalawang Pangulo pára sa Planning and Development; Prof. Dr. Orlando F. Balderama, Pangalawang Pangulo pára sa Research and Development, Extension and Training; at Prof. Dr. Hilda A. Manzolin, Pangalawang Pangulo pára sa Administrative and Finance.

Kasabay ng pasasalamat sa mga dumalo, binigyang-diin din ni Dr. Carmelita C. Abdurahman, Komisyoner sa Programa at Proyekto, na ang kasunduan ay hindi lámang magpapatibay sa pagkakaisa ng dalawang panig, kundi magpapatatag din sa diwa ng pagiging Filipino. #

PRESS RELEASE