Gobyerno di dapat isuko ang mga investment sa Ecozones – Imee
MANILA – (Marso 4) – Tinawag ni Senador Imee Marcos na mapangahas ang patakaran ng mga economic manager ng bansa na ipaubaya na sa pribadong sektor ang inisyatibo sa paglikha ng mga economic zone para makahikayat ng mga foreign investment.
Lumabas ang patakarang ito nung Myerkoles sa kasagsagan ng pagdinig ng Senate Committee on Economic Affairs na tumatalakay sa mga panukalang batas para sa pagtatayo ng mga bagong ecozones at freeports sa Ilocos Norte, Cavite, Surigao del Sur at Saranggani provinces.
Sinabi ni Marcos, chair ng nasabing komite, na nabuking niya sa hearing na nasa 84 ecozone sa bansa mula pa noong 2016 ang inisyatiba pala ng pribadong sektor, ayon sa testimonya ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA).
“So ang 84 ecozones pala ay gawa ng pribadong sektor at wala ni isang ginawa ang ating mga economic managers? Kawawa!” patuyang sinabi ni Marcos.
Sinabi rin sa hearing ni Department of Finance (DOF) policy and research director Juvy Datufrato na intensyon ng ahensya na ipakarga o ilipat na sa pribadong sektor ang pinansyal na pasanin ng gobyerno.
Dahil dito, nanghihinayang na sinabi ni Marcos na nawawalan tuloy ng pagkakataon na kumita at makalikha ng maraming trabaho lalo na sa mga malalayong probinsya, dahil sa nasabing pagtanggi na sa mga lokal na pamahalaan na nagnanais na makapagtayo ng ecozones.
Sa report ng UNCTAD World Investment noong 2020, lumitaw na mula sa $8.7 billion noong 2017 nabawasan o mas bumaba pa sa $5 billion noong 2019 ang foreign direct investment (FDIs) sa Pilipinas.
“Ikumpara natin yan sa pagtaas naman ng FDIs sa iba pang Asean nation na tulad ng Indonesia, Malaysia, Cambodia, lalo na ang Vietnam na kumita ng nasa $16.1 billion,” ani Marcos.
“Paliit ng paliit ang bayong ng foreign investment sa Pilipinas, pero hindi nakitang solusyon ng economic managers natin ang mga ecozone sa panahon na gipit na gipit at kapos sa kita ang gobyerno. Kailangan nating mabawi ang ating mga pagkalugi,” diin ni Marcos.
Ayon kay Marcos, triple ang banta sa paglago ng dayuhang pamumuhunan sa Pilipinas dahil sa Covid-19 pandemic, US-China trade war at walang katiyakang dulot ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) bill.
“Wala nang dahilan pa para hindi aprubahan ang ecozone, kung mismong ang Department of Finance na namumuno sa FIRB (Fiscal Incentives Review Board) na magdedesisyon kung anong kumpanya ang makakakuha ng insentibo at kung ano ang ibibigay karapat-dapat na insentibo,” paliwanag ni Marcos.
“Ang problema kasi, ang trato ng ating mga economic manager sa tax incentives ay mga gastos lang kaysa mga investment sa potensyal ng Filipino exports,” dagdag pa ni Marcos, pagkatapos ipahayag sa hearing ni National Economic Development Authority assistant secretary Greg Pineda na 441 bilyong piso ang nawalang kita ng gobyerno dahil sa incentives.
Habang hinihintay ang lagda ni Pangulong Duterte sa CREATE bill, nakatengga ang mga bagong proyekto at plano ng mga foreign investors para palawakin ang negosyo na 60% ng kabuuang taunang investment na inaprubahan ng PEZA.
“Magiging mas malapit sa foreign investors sa China at Japan ang mga ecozone mula Ilocos Norte hanggang Saranggani,” ani Marcos, na nagsabi ring nagpahayag na ng interes ang mga Chinese at Japanese investors na mamuhunan ng $100 billion sa Surigao del Sur.
“Dapat nating muling ikonsidera ang napakahigpit na polisya hinggil sa ecozones at ang mga kakarampot namang insentibo,” ayon pa kay Marcos. ###