FSL Competency Standard, sama-samang binubuo ng KWF, TESDA, at Deaf Community

Ang Yunit ng Filipino Sign Language (FSL) ng Komisyon sa Wikang Filipino ay aktibong nakikiisa bílang isa sa mga eksperto sa pagpapalawig ng FSL sa pamamagitan ng pagdalo sa mga serye ng onlayn at pisikal na palihan, oryentasyon, at balidasyon na isinagawa ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Kabilang sa mga lumahok ang mga kinatawan ng Deaf Community mula sa Philippine Federation of the Deaf, De La Salle–College of Saint Benilde (DLS-CSB), School of Deaf Education and Applied Studies, DLS-CSB Center for Education Advancement of the Deaf, at KAKAMAY Movement Organization bílang mga eksperto sa nasabing gawain.

Layunin nitó na makabuo ng pinal na FSL Competency Standard at mailathala upang maging batayan sa pagtuturò ng FSL bílang isang programa sa TESDA. Matatandaang nagsagawa na ang TESDA ng paunang FSL Competency Standard noong 2024 kasáma ang Hearing Community, na muling bubuksan para sa modipikasyon at balidasyon katuwang ang Deaf Community.
Nagsimula ang serye sa isang palihan at oryentasyon noong 13 Agosto 2025, na sinundan ng inisyal na balidasyon noong 19 at 28 ng Agosto. Inaasahang magkakaroon muli ng pagtitipon para sa pinal na balidasyon ng dokumento sa 18 Setyembre 2025. ###