Consolidated Loan Program with Condonation of Penalty

Consolidated Loan Program with Condonation of Penalty

Christian Andrew Rillorta Senior Communications Analyst, SSS Luzon North 1 Division

Isa sa mga karaniwang problemang kinakaharap ng ilang miyembro ng Social Security System (SSS) ay ang mga loan na naiwan at hindi na nabayaran sa loob ng mahabang panahon. Dahil sa patuloy na pagdagdag ng penalty at interes, may mga pagkakataong mas lumalaki pa ang mga ito kaysa sa orihinal na halagang hiniram.

Upang matugunan ito, patuloy na ipinatutupad ng SSS ang Consolidated Loan Program with Condonation of Penalty o mas kilala bilang Conso Loan Program. Sa ilalim ng programang ito, pinagsasama-sama ang lahat ng past-due short-term member loans ng isang miyembro, kabilang ang Salary Loan, Salary Loan Early Renewal Program, Calamity Loan, Emergency Loan, at Restructured Loan, para minsanan na lang ang pagbabayad nito.

Sa praktikal na pananaw, malaking ginhawa ito para sa mga miyembrong nais ayusin ang kanilang loan records. Hindi man nawawala ang obligasyong bayaran ang kanilang utang na may kaakibat na interes, nababawasan naman ang kabuuang pasanin dahil hindi na kailangang bayaran ang naipong penalty.

Isa ring magandang feature ng Conso Loan ay ang flexible payment options nito. Maaaring piliin ng miyembro ang one-time full payment o installment basis depende sa kanyang kakayahang magbayad.

Para sa installment plan, babayaran muna ang 10% ng kabuuang consolidated loan sa loob ng 30 araw mula nang matanggap ang Notice of Approval. Samantala, ang natitirang balanse ay maaari nang hulugan buwan-buwan.

Ang halaga ng babayaran kada buwan ay nakabase sa kabuuang consolidated loan amount. Halimbawa, kung higit ito sa P5,000 hanggang P10,000, babayaran ito sa loob ng anim buwan; P10,001 hanggang P18,000 ay babayaran sa loob ng 12 buwan; P18,001 hanggang P36,000 ay babayaran sa loob ng 24 buwan; P36,001 hanggang P54,000 ay babayaran sa loob ng 36 buwan; P54,001 hanggang P72,000 ay babayaran sa loob ng 48 buwan at kung higit sa P72,000 ay babayaran ito sa loob ng 60 buwan o limang taon.

Sa installment arrangement, tandan na ang condonation ng penalties ay unti-unting ibinibigay. Ang bahagi ng penalty na katumbas ng down payment ay agad na kinokondone, habang ang natitirang penalties ay tuluyang mawawala kapag nabayaran nang buo ang loan sa loob ng approved term.

Kung nasa P5,000.00 o mas mababa pa ang babayaran ng miyembro, one-time payment ang payment option para rito. Kailangang mabayaran nang buo ang consolidated loan sa loob ng 30 calendar days mula sa pagtanggap ng notice of approval. Kapag ito ay nabayaran sa itinakdang panahon, 100% ng penalties ay agad na kinokondone.

Nais ng SSS na magkaroon ng malinis na loan records ang ating mga miyembro para makuha nila nang buo ang kanilang benefit proceeds sa hinaharap. Kaya naman, habang maaga pa, mag-apply na agad sa Conso Loan kung napag-alaman ninyong may natitira pa rin kayong balanse sa inyong utang.

Tanging online lang ang submission ng Conso Loan application. Kinakailangan na mayroong My.SSS account ang miyembro. Para gawin ito, mag-login sa My.SSS Portal.

Kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan. Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph. Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na page ng SSS sa Facebook, X (dating Twitter), YouTube, at Viber – hanapin lang ang MYSSSPH. Bukas din ang usssaptayo@sss.gov.ph at SSS Hotline 1455 para sa inyong concerns at katanungan.

admin