Cayetano pinuri ang repatriation efforts ng DFA, sinabi na mahalaga ang bawat oras sa gitna ng krisis sa Ukraine

Pinuri ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa mabilis at mabisa nitong paglilikas sa mga Pilipino na nasa Ukraine sa tulong ng pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang embahada.

“We are grateful for the constant efforts of the DFA in making sure our kababayans in Ukraine are safe. Let us continue praying for their safety and the situation abroad,” wika ni Cayetano.

Inihayag niya ito matapos itaas ng DFA ang crisis alert status sa Level 4 dahil sa lumalalang sitwasyon sa Ukraine.

Ang Level 4 alert status ay nangangahulugan na ang gobyerno ay dapat magsagawa ng isang mandatory repatriation assistance o pagpapalikas ng mga Pilipino sa mga apektadong bansa.

Wika ni Cayetano, “time is of the essence” sa gitna ng naturang krisis para mapalikas at makauwi nang ligtas ang mga apektadong Pilipino.

“Y’ung mga OFW natin, siyempre, nangangamba y’ung mga pamilya. I’m sure the DFA and Department of Labor and Employment (DOLE) are rushing to keep them safe,” dagdag niya.

Nitong Marso 8, nasa 63 Pilipino na ang nakauwi sa Pilipinas mula sa Ukraine habang 136 na ang inilkas mula nang magsimula ang krisis noong Pebrero.

Sa bilang na iyan, 21 ay mga seafarer na na-stranded sa Ilyichevsk Ship Yard sa Port of Odessa, Ukraine nang magsimula ang naturang krisis o alitan sa pagitan ng Ukraine at Russia.

Ayon kay Foreign Affairs Undersecretary Sarah Lou Arriola, nakatawid ang mga seafarer mula Ukraine patungong Moldova sa tulong ni Honorary Consul Victor Gaina sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Embassy sa Budapest.

Si Cayetano, na nagbabalik-Senado sa darating na halalan, ang pangunahing may-akda ng panukalang batas na lumilikha sa Department of Migrant Workers (DMW), na isinabatas noong Disyembre 30, 2021.

“Ang mga OFW ay isang priyoridad para sa akin, at ang malaman na ang gobyerno ay nagpapakita ng kahalagahan sa ating mga OFW ay magandang balita para sa akin,” aniya.

Sinabi rin ng dating Foreign Affairs Secretary at House Speaker na sinusuportahan niya ang inisyatiba ng gobyerno na tulungan ang iba pang mga nangangailangang lumikas sa gitna ng krisis sa pagitan ng Ukraine at Russia.####

PRESS RELEASE