Cayetano: May solusyon sa agawan sa WPS, face-to-face diplomacy magpapalamig sa sigalot

Sinabi ni Senator-elect Alan Peter Cayetano nitong Sabado na “solvable” o kaya namang masolusyonan ang dispute ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea basta maumpisahan ang harapang diplomasya para lumamig ang sitwasyon.

“The problem is solvable but we have to be committed to it,” pahayag ni Cayetano sa isang panayam sa media noong Hunyo 11, 2022.

Abril 4 nang mamataaang nakapalibot ang nasa 100 barko ng China sa Julian Felipe (Whistun) Reef na nasa West Philippine Sea, halos isang taon matapos mamataan ang mahigit 200 vessels sa lugar.

Naglabas ng public statement ang Department of Foreign Affairs (DFA) noong Hunyo 9, 2022 pagkatapos nitong magsampa ng pormal na reklamo laban sa China.

“The lingering unauthorized presence of Chinese fishing and maritime vessels is not only illegal but is also a source of instability in the region,” pahayag ng DFA.

Punto ni Cayetano, na naging Foreign Affairs Secretary mula 2017 hanggang 2018, may mapayapang paraan para maresolba ang isyu.

“I’m a believer sa diplomacy. Ako’y naniniwala hindi dahas, hindi war, at hindi rin po force ang magso-solve ng problema natin sa West Philippine Sea kundi diplomacy,” aniya.

Hinimok ng Senator-elect ang susunod na administrasyon na agad magsagawa ng face-to-face diplomacy kasama si Chinese President Xi Jinping para palamigin ang sitwasyon.

“Ang personal recommendation ko is as soon as possible magkaroon ng one-on-one meeting ang President-elect Marcos at saka si President Xi Jin Ping,” pahayag ni Cayetano.

“It’s not a one-dimensional problem. But kung president to president ang mag-uusap especially during this time, I don’t think totally masosolve ang problema pero tingin ko made-defuse y’ung situation and magkakaroon tayo ng framework how to proceed from here,” dagdag niya.

Ayon kay Cayetano, mas gumagana ang face-to-face diplomacy kaysa “megaphone or microphone diplomacy” kung saan naglalabas lang ng mga public statement ang dalawang kampo imbes na harapang pag-usapan ang sigalot.

“May pride ang bawat bansa. May constituency ang bawat bansa. So kung soundbites ang gagamitin natin, lalong lalala ang sitwasyon sa West Philippine Sea,” pahayag niya.###

PRESS RELEASE