Cayetano: Mabagal na pagbili ng laptop para sa mga guro taliwas sa layunin ng Bayanihan 2

Cayetano: Mabagal na pagbili ng laptop para sa mga guro taliwas sa layunin ng Bayanihan 2

Dahil sa bagal ng Department of Education (DepEd), nawalan ng silbi ang pondong ibinigay dito sa ilalim ng Bayanihan 2 para matugunan sana agad ang pangangailangan sa hybrid learning, pahayag ni Senador Alan Peter Cayetano nitong Huwebes.

Sa ikalawang pagdinig ng Blue Ribbon Committee sa ginawang pagbili ng overpriced na laptops ng DepEd at Procurement Services-Department of Budget and Management’s (PS-DBM), binigyang-diin ni Cayetano na inabot ng mahigit isang taon bago maibigay sa mga guro ang mga laptop.

“September 11, 2020 hanggang December 2021 – so y’un ang definition ng ‘urgent’ ng DepEd? Ang urgent sa inyo, aabutin ng mahigit isang taon?” wika ni Cayetano.

Pahayag niya, overpriced man ang mga biniling laptop o hindi, at anuman ang iba pang anomalya sa proseso ng bidding, klaro pa rin na milyun-milyong kabataang Pilipino ang nagdurusa dahil sa delay.

Dagdag pa niya, bagama’t nagsasagawa ng mga pagdinig ang Senado bilang dagdag na tulong sa paggawa ng mga batas, hindi na raw dapat hintayin pang makapagpasa ng isang batas bago magkaroon ng reporma.

Sa halip aniya, dapat nagsisimula na agad na magkaroon ng mga reporma kapag nakikita ng taumbayan na pinapanagot ang mga opisyal ng gobyerno.

Nasa P4.35 bilyon ang inilaan para sa DepEd sa ilalim ng Bayanihan 2, na naaprubahan noong Setyembre 11, 2020 sa ilalim ni Cayetano bilang House Speaker. Ang P2.4 bilyon dito ay inilaan ng Departamento para sa pagbili ng mga laptop para sa mga guro.

“Did the DepEd show a sense of urgency sa P4 billion na binigay sa inyo?” tanong ng Senador bago ipuntong ang DepEd mismo ang humingi ng pondong iyon sa Kongreso.

Itinuro ni Cayetano ang ilang mga bahagi sa buong proseso ng ginawang procurement na naging dahilan aniya kaya tumagal ito.

Isa dito ay ang desisyon ng DepEd na ipasa sa PS-DBM ang pagbili ng mga laptop, samantalang lima aniya ang Bids and Awards Committees (BAC) noong pinasa ang Bayanihan 2.

“Kung may lima kayong BAC at may P500 billion kayo [na pondo sa departamento], bakit hindi niyo ma-bid ang P4.2 billion?” tanong niya.

Nang sumagot si DepEd Undersecretary for Finance Annalyn Sevilla na isang buwan na lang daw noon bago ma-expire ang Bayanihan 2, ipinaalala ni Cayetano na na-extend na hanggang sa katapusan ng 2021 ang batas noong ipinasa ng DepEd ang trabaho nito sa PS-DBM.

Dagdag ni Cayetano, walang dahilan para maging hadlang ang deadline dahil pwede namang umpisahan agad ng DepEd ang bidding kahit hindi pa lumalabas ang Special Allotment Release Order (SARO).

“September 12 pwede na kayong mag-bid, pero hindi niyo ginawa hanggang wala ang SARO, alam niyo namang pwede,” pahayag niya.

Sinita rin niya ang pagtanggap ng laptop ng mga regional director.

“Very clear ‘yan sa Bayanihan 2: ‘yang mga laptop na ‘yan para sa mga lugar na walang wala talaga. Eh anong ginawa niyong distribution, sinimulan niyo sa regional director pababa?” tanong niya.

Pinaalala din ng Senador sa DepEd at sa PS-DBM ang malinaw aniyang utos ng noo’y Pangulo Rodrigo Duterte sa kanyang 2019 State of the Nation Address (SONA) sa mga ahensya na gawing simple ang mga proseso nila sa opisina.

“I am just really upset that this all happened under a law that was supposed to help you help our students,” pahayag Cayetano.###

PRESS RELEASE