Bilyon-Bilyong Bayanihan loans, gawin ng direktang ayuda – IMEE

Hinimok ni Senador Imee Marcos ang pamahalaan na gawing direktang ayuda ang bulto ng hindi nagagamit na stimulus funds sa mga state financial institution upang maayudahan ang mga negosyong matinding tinamaan ng Covid-19 pandemic.

Sinabi ni Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, na nakakaalarma ang prediksyon ng mga international financial institution na tulad ng World Trade Organization, World Bank, International Monetary Fund, at Asian Development Bank na posibleng ang Pilipinas ang maging pinaka-makupad na makarekober ang ekonomiya sa Asya dahil sa kulang na pag-ayuda sa mga negosyo.

“Malulutas natin ang matamlay na pag-ayuda kung ang bahagi ng naturang badyet para sa mga programang pautang ng gobyerno ay gawing mas direktang tulong tulad ng subsidiya sa sweldo at programang pantrabaho,” diin ni Marcos.

“Halimbawa, kahit 65% ng mga karinderya at maliit na mga tindahan ng mga kapitbahay ay pansamantala o permanenteng nakasara, hindi sila kwalipikadong makautang dahil barangay permit lang ang meron sila, base na rin sa patakaran ng Small Business Corporation at ng DTI (Department of Trade and Industry),” paliwanag ni Marcos.

“Kahit mga MSME (micro, small and medium enterprises) na may kakayahan at gustong mangutang ay magdadalawang-isip na kumuha ng loan habang nagpapatuloy ang pandemya. Habang magulo ang pagpapatupad ng mga community quarantine, hindi sila magkakaroon ng kumpiyansang makapagbayad,” dagdag ni Marcos.

Binanggit din ni Marcos na nasa P3.3 bilyon lang ang nagamit mula sa P10 bilyong pondong inilaan ng DTI sa programa nitong CARES (COVID-19 Assistance to Restart Enterprises) para sa MSMEs sa ilalim ng Bayanihan 2.

Hindi rin magagamit ng buo ang P6 bilyong inilaan para sa mga nasa sektor ng turismo “hanggang sa magpatupad ng mas malawak na pagbabakuna at manumbalik ang kumpiyansa ng mga turista,” ani Marcos.

Dagdag ni Marcos, “halos kasing-bagal” din nito ang paggamit sa mga pondong nasa Land Bank of the Philippines, Development Bank of the Philippines at Philguarantee Corporation.

“Kailangan nating i-convert o ilipat ang mga bilyong inilagak sa mga bangko at iba pang financial institutions ng gobyerno para maging ‘ayuda’ mula sa DSWD (Department of Social Welfare and Development), DOLE (Department of Labor and Employment) sa pamamagitan ng kanilang mga programang CAMP at TUPAD, at madagdagan ang tulong para sa mga walang trabaho sa pamamagitan ng SSS (Social Security System), at iba pang mga direktang subsidiya para sa digitizing, retrofitting, retooling, at retraining ng MSMEs,” ani Marcos. ###

PRESS RELEASE