SSS CALAMITY LOAN PROGRAM
Christian Andrew Rillorta – Senior Communications Analyst, SSS Luzon North 1 Division
Nakararanas ng iba’t ibang kalamidad sa ating bansa, gaya ng bagyo, baha, lindol, pagputok ng buwan, hanggang sa armed conflict o gera. Sa panahon ng sakuna, maraming manggagawa ang nawawalan ng kabuhayan at ari-arian, kaya’t nahihirapan silang tugunan ang pang-araw-araw nilang pangangailangan. Bilang tugon dito, inilunsad ng Social Security System (SSS) ang Calamity Loan Program upang makapagbigay ng agarang tulong pinansyal sa mga miyembrong naapektuhan ng kalamidad.
Bukas ang programang ito kapag may deklarasyon ng state of calamity mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) o lokal na pamahalaan, at matapos aprubahan ng SSS ang pagpapatupad ng programa sa mga apektadong lugar. Karaniwang inilalabas ang mga anunsyo sa opisyal na website, social media pages, at mga sangay ng SSS.
Sa oras na maging available ang calamity loan, may itinakdang panahon lamang para sa pagsusumite ng aplikasyon. Dahil dito, hinihikayat ang mga miyembro na subaybayan ang mga anunsyo ng SSS upang hindi mapalampas ang pagkakataong makapag-avail ng tulong pinansyal.
Para sa mga apektadong miyembro na nais mag-avail sa CLP, narito ang mga panuntunan. Kailangang may sariling My.SSS account ang miyembro dahil online ang filing ng calamity loan application. Pagdating sa contribution requirement, kailangang may hindi bababa sa 36 monthly contributions ang miyembro, anim dito ay dapat naka-post sa loob ng huling 12 buwan bago ang buwan ng aplikasyon. Halimbawa, kung ngayong Mayo mag-a-apply ng Calamity Loan, bukod sa may at least 36 months contribution, dapat ay may anim na buwang posted contributions ang miyembro mula Abril 2025 hanggang Abril 2026.
Kung nagpalit naman ng membership category, kailangang mayroon siyang hindi bababa sa anim na buwang kontribusyon sa ilalim ng bagong membership category bago ang buwan ng pagpa-file ng aplikasyon.
Bukod sa mga nabanggit na contribution requirement, dapat ay naninirahan ang miyembro sa mga lugar na naideklarang State of Calamity ng NDRRMC, hindi pa tumatanggap ng final benefit claim tulad ng Permanent Total Disability Benefit o Retirement Benefit, walang past due short-term member loans, at walang kasalukuyang utang sa ilalim ng Loan Restructuring Program o mga nakalipas na Calamity Loan Assistance Program. Kung empleyado ang mag-a-avail ng calamity loan, kailangang aprubado o na-certify ito ng kaniyang employer sa pamamagitan ng My.SSS facility. Ito ay bilang patunay na ang loan borrower ay kasalukuyang empleyado ng kumpanya at sapat ang kanyang net take-home pay para bayaran ang buwanang hulog sa calamity loan.
Katulad ng iba pang loan programs ng SSS, online na rin ang aplikasyon ng calamity loan gamit ng My.SSS account para sa mas mabilis at mas ligtas na proseso. Samantala, direktang ipinapadala ang loan proceeds sa nakarehistrong disbursement account ng miyembro sa ilalim ng Disbursement Account Enrollment Module o DAEM. Kaya naman mahalagang may rehistradong bank account, e-wallet, o iba pang aprubadong disbursement channel bago mag-apply ng loan.
Pagdating naman sa loanable amount, maaaring umutang ang miyembro ng katumbas ng isang monthly salary credit o hanggang P20,000, alinman ang mas mababa. Bagama’t maaaring hindi ito sapat para matustusan ang lahat ng pinsalang dulot ng kalamidad, malaking tulong pa rin ito para sa mga agarang pangangailangan tulad ng pagkain, gamot, pagkukumpuni ng bahay, at pansamantalang kabuhayan.
Tandaan na ang calamity loan ay may mababang interest rate na 10 porsyento kada taon batay sa diminishing balance. Ang pagbabayad ay karaniwang hinahati sa loob ng 24 buwan o dalawang taon.
Para sa mga karagdagang impormasyon tungkol sa programang ito, maaari ninyong basahin ang mga nakalathala sa opisyal ng Facebook page ng SSS, ang Philippine Social Security System https://www.facebook.com/MYSSSPH/, sa SSS Website https://www.sss.gov.ph/calamity-loan/ o bumisita sa alinmang sangay ng SSS sa inyong lugar.
Kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan. Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph. Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na page ng SSS sa Facebook, X (dating Twitter), YouTube, at Viber – hanapin lang ang MYSSSPH. Bukas din ang usssaptayo@sss.gov.ph at SSS Hotline 1455 para sa inyong concerns at katanungan.
