Tubong Kay Maria tampok sa ika-48 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Diyosesis ng Boac at Ika-68 Anibersaryo ng Coronacion Canonical ng Mahal na Birhen ng Biglang Awa
Boac, Marinduque – Pagkatapos ng Misa Concelebrada para sa Patrona ng Diyosesis ng Marinduque noong Mayo 10 (Linggo), nagkaroon ng prosesyon ang mga deboto at mananampalataya sa Boac, tampok ang tradisyonal na putong o tubong, sayaw, at panalangin para kay Maria, may temang “Maria: Ina ng Pamilya, Ilaw ng Kabataan.”
Ang Dambana ng Mahal na Birhen ng Biglang Awa ay nanatiling simbolo ng pananampalataya at kultura ng lalawigan ng Marinduque. Bilang bahagi ng paggunita ng canonical coronation ng Blessed Virgin Mary, Mahal na Birhen ng Biglang Awa. Sinagawa ang “sayaw parangal” bilang pagpapakita ng malalim na espirituwalidad at pagiging relihiyoso ang putong o tubong, pamanang hindi nasasalat sa isla.
Mahalaga ang naging papel ng Marinduque State University, Culture and Arts Unit nito, sampu ng MarSU Brass Band, at Bachelor of Culture and Arts Education at College of Education, kasama ang Human Resource Management and Development Office nito. Kasama ng mga manunubong ng Poblacion, Kabilang Ilog at Baybay Dagat, maging ang Banda de Mogpog, St. Raphael Band at Marinduque National High School Band. Nagpaunlak din ang mga taga St. Mary’s College of Marinduque.
Binahagi ng Obispo ng Diyosesis ng Boac, Most Rev. Edwin Panergo, “ang Mahal na Birhen ng Biglang-Awa, nawa’y siya ang patuloy na gumabay sa atin. Nawa’y ipagkaloob niya sa atin ang kanyang mapagkalingang pag-iingat, tulad ng kanyang ginawang pagprotekta sa ating sambayanan noong mga nagdaang panahon.”
Dagdag pa ng Obispo Panergo, “Nawa’y ang kanyang maka-Inang manto at mapag-arugang kapa, tulad ng isang inahing kumakalinga sa kanyang mga anak, ang laging yumakap at magkubli sa atin, upang tayo’y maligtas sa anumang taliwas sa kalooban at banal na plano ng Diyos.” # Randy T. Nobleza, Ph.D.
