SSS Pension Loan Program para sa mga Surviving Spouse Pensioner
Christian Andrew Rillorta – Senior Communications Analyst, SSS Luzon North 1 Division
Unang inilunsad ng Social Security System (SSS) ang Pension Loan Program (PLP) para sa mga retiradong pensioner bilang agarang tugon sa kanilang pangangailangang pinansyal.
Kalaunan, pinalawak ang coverage ng PLP noong September 2025 upang mabigyan din ang surviving spouse pensioners ng access sa ligtas at abot-kayang pautang na may mas mababang interest rate. Hindi na rin kailangang magsangla ng ATM o ari-arian bilang kolateral.
Para makapag-avail ng pension loan, kailangang matugunan ng surviving spouse pensioner ang mga sumusunod na kondisyon. Dapat ay tumatanggap na sila ng buwanang pensyon nang hindi bababa sa isang buwan, “active” ang kanilang pension status, sila ang sole payee ng death benefit at walang record ng pandaraya sa SSS. Padating sa edad, hindi dapat bababa sa 18 taon at hindi hihigit sa 85 taon pagkatapos ng termino ng loan. Para makapag-pension loan, wala rin dapat na kasalukuyang deductions sa pensyon o may existing advance pension sa ilalim ng calamity loan package. Kinakailangan din na ang surviving spouse pensioner ay may rehistradong online account sa My.SSS Portal may update contact details, at rehistradong disbursement account sa SSS.
Maaari silang manghiram ng 50% ng kanilang aggregate monthly pension na i-multiply sa 3, 6, 9 o 12 months. Halimbawa, kung ang kalahati ng buwanang pensyon ay P4,000.00, maaaring umutang ng P12,000.00 (3 months), P24,000.00 (6 months), P36,000.00 (9 months) o P48,000.00 (12 months).
Isa sa pinakamahalagang katangian ng programang ito ay ang mababang interest rate na 10% kada taon, na kinukuwenta batay sa diminishing principal balance. Ibig sabihin, habang nababawasan ang utang, bumababa rin ang interes. Nasa 12 hanggang 24 months ang pagbabayad ng loan. Dagdag pa rito, mas convenient ang pagbabayad ng utang dahil direkta itong binabawas sa monthly pension loan ng surviving spouse.
Sinisiguro rin ng SSS na hindi mauubos ang buwanang pensyon ng surviving spouse dahil may patakaran tungkol sa Net Take Home Pension (NTHP). Hindi dapat bababa sa 40% ang matitirang buwanang pension ng borrower matapos ibawas ang loan amortization. Kung mas mababa sa 40% ang matitirang pensyon, awtomatikong iri-recompute ng SSS ang loanable amount upang masunod ang patakarang ito.
Para mag-apply sa Pension Loan, mag-log in sa My.SSS account, i-click ang “Loans” at piliin ang “Apply for Pension Loan” sa ilalim ng Loans Tab. Piliin ang “Survivor Pension” sa dropdown menu at i-check ang enrolled disbursement account kung saan matatanggap ang loan proceeds. Makikita rin ang eligibility loan amount at mamili kung magkano ang nais utangin. Matapos i-check ang disbursement account, sumang-ayon sa terms at i-click ang “Submit.” Kapag naaprubahan na ang pension loan application, ipapasok ng SSS ang loan proceeds sa nakarehistrong bank account ng survivor spouse pensioner.
Sa kabuuan, ang Pension Loan Program ng SSS ay isang konkretong halimbawa ng serbisyong may malasakit. Para sa mga survivor pensioner, ito ay hindi lamang simpleng pautang kundi isang mekanismong nagbibigay sa kanila ng seguridad sa oras ng pangangailangan.
Sa huli, nais naming paalalahanan ang lahat na maging responsable sa pangungutang. Gamitin ito nang tama at ilaan sa mga tunay na pangangailangan. Sa tamang paggamit, ang Pension Loan Program ay maaaring maging tulay tungo sa mas maayos at panatag na pamumuhay.Kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan. Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph. Para sa tamang impormasyon at updates tungkol sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na page ng SSS sa Facebook, X (dating Twitter), YouTube, at Viber—hanapin lang ang MYSSSPH. Bukas din ang usssaptayo@sss.gov.ph at SSS Hotline 1455 para sa inyong mga concerns at katanungan. ###
