PAANO BA MAG-ENROLL NG DISBURSEMENT ACCOUNT SA SSS?
Christian Andrew Rillorta – Senior Communication Analyst, SSS Luzon North 1 Division
Bago makapag-apply para sa anumang benepisyo o loan, kinakailangan munang i-enroll ng isang SSS member ang kaniyang disbursement account sa My.SSS Portal para ito ay maaprubahan. Dito kasi ipapasok ng SSS ang anumang benepisyo o loan proceeds na kaniyang matatanggap.
Para i-rehistro ang valid disbursement account, mag-log in sa My.SSS Portal. Magtungo sa “Services” tab at piliin ang “Disbursement Account” sa dropdown choices. Lalabas ang isang message box na naglalaman ng reminders at uri ng disbursement accounts na maaari at hindi maaaring irehistro.
Siguraduhing valid at active ang nasabing account. Dapat ay nakapangalan sa miyembro ang account at tugma ito sa SSS records. Halimbawa, kung Christian Andrew Rillorta ang nakarehistrong pangalan sa SSS records, dapat ay iyon mismo ang nakalagay na bank account name. Hindi Christian Rillorta o Andrew Rillorta o C. A. Rillorta.
Hindi tatanggapin ang closed, dormant, foreign currency, frozen, joint at “or”, prepaid, at time deposit accounts. Tandaan na ang bank account na i-e-enroll ay dapat mula sa PESONet participating bank.
Maaaring itanong sa inyong bangko kung sila ba ay kabilang sa PESONet.
Kung walang bank account ang miyembro, maaari rin niyang irehistro ang kaniyang mobile number upang makuha ang proceeds sa pamamagitan ng E-Wallets, Remittance Transfer Companies (RTC) o Cash Payout Outlets (CPOs). Kung ito ang gagamitin para sa disbursement, siguraduhing aktibo ang irerehistrong mobile number. Dito kasi ipapadala ng SSS ang reference number para i-claim ang benefit o loan proceeds. Sa pagpili ng E-Wallet, RTC, o CPO bilang disbursement channel, maaaring may kaakibat na karagdagang transaction fees.
Subalit, para sa mga miyembrong may UMID-ATM o MySSS Card, hindi na nila kailangang mag-enroll ng panibagong disbursement account. Awtomatikong ikikredit ang kanilang loan at benepisyo sa account na naka-link sa kanilang UMID-ATM o MySSS Card. Kinakailangan lamang na siguraduhing activated ang card sa pamamagitan ng pagbisita sa issuing bank.
Kung identified na ng miyembro ang i-eenroll na disbursement account, ihanda na ang litrato ng mga sumusunod: (1) government issued-ID; (2) proof of disbursement account gaya ATM Card, bank certificate, bank statement, bank deposit slip o screenshot ng e-wallet account na kung saan malinaw na nababasa ang account name, account number, at pangalan ng bangko o e-wallet app; at (3) litrato ng miyembro na parehong hawak ang valid ID at proof of disbursement account. Ang mga litratong ito ay i-uupload upang ipagpatuloy ang disbursement account enrollment.
Siguraduhing malinaw, nababasa at tugma ang mga detalye sa isinumiteng impormasyon dahil ito ang i-verify ng SSS bago maaprubahan ang enrollment. Ang hindi malinaw o hindi tugmang dokumento ay isa sa mga pangunahing dahilan ng pagkaantala o rejection ng application.
Matapos i-upload ang mga litrato, i-encode ang mga kinakailangang pang-impormasyon bago isumite ang application. Tandaan na daraan ito sa validation process ng SSS. Maaaring tumagal ng ilang working days ang pagproseso depende sa dami ng applications at kung kumpleto ang isinumiteng dokumento. Kapag naaprubahan na, makakatanggap ang miyembro ng abiso sa pamamagitan ng SMS o email.
Tandaan na ang approval ng disbursement account ay nangangahulugang aprubado na ng SSS ang inirehistrong disbursement account at hindi pa ito approval ng benefit o loan application ng miyembro. Kapag enrolled na ang disbursement account, saka pa lamang maaaring magsubmit ng benefit o loan application ang miyembro gamit pa rin ang kanilang My.SSS Account.
Para sa mga miyembro at employers na nais magpatulong sa disbursement account enrollment, magsadya lamang sa pinakamalapit na SSS branch upang gabayan ng aming branch personnel. Tandaan na hindi tatawag o magte-text ang SSS para kumuha ng personal na detalye at i-enroll ang inyong disbursement account. Isa ito sa mga kilalang modus ng scammers, kaya maging alerto at huwag maging biktima.
Kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan, magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph. Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na page ng SSS sa Facebook, X (dating Twitter), YouTube, at Viber – hanapin lang ang MYSSSPH. Bukas din ang usssaptayo@sss.gov.ph at SSS Hotline 1455 para sa inyong concerns at katanungan.
