Yap: “Tulong na trabaho agad sa Benguet, para sa mga nagtapos sa TESDA-CAR”
BAGUIO CITY – Nasa kabuuan ng 78 na mga iskolar ng TESDA ang nakatanggap ng mga Sertipiko sa pagsasanay para sa pagkumpleto ng Heavy Equipment Operator sa Bulldozer, Hydrauliko Excavator at Wheel Loader na itinaguyod ng tanggapan ni Benguet Congressman Eric Yap, sa pamamagitan ng TESDA-CAR at Benguet Vocational School sa isang seremonya na ginanap sa Supreme Hotel, Baguio City noong Enero 28.
Ang 78 na nagtapos ay nakumpleto ang 20 araw ng pagsasanay sa ilalim ng 3 kwalipikasyon; Heavy Equipment Operation (Bulldozer) NC II na may 24 na nagtapos, Heavy Equipment Operation (Hydraulic Excavator) NCII na may 26 na nagtapos, at Heavy Equipment Operation (Wheel Loader) NCII na may 28 nagtapos.
Pinangunahan ni Benguet Congressman Eric Yap, na pinarangalan ang mga nagtapos at bilang panauhing tagapagsalita, ay nagsabing tamang panahon para sa mga nagtapos na kumuha ng mga kasanayan sa Heavy Equipment Operation dahil ang pondo para sa imprastraktura tumaas mula 4 bilyon noong 2020 hanggang 13 bilyon ngayong 2021. Nangangahulugan din ito na maraming mga proyekto sa imprastraktura ang ilalaan para sa lalawigan ng Benguet ngayong taon.
Sa kanyang mensahe ay binigyan niya ng pag-asa ang mga nagtapos para agad sila makapagtrabaho
“Pakiki-usapan ko po ang mga contractor na i-hire kayong mga nagtapos kaya ibigay ko ang listahan ng ating mga nagtapos sa kanila. Iyon po ang pakiusap ko sa mga kontraktor, to hire Benguet people unahin po natin ang mga kababayan natin dito sa Benguet,”
“Dahil bukod sa pag-gawa ko ng mga batas ay top priority ko ay public service at ito ang mga nilalakad ko sa kongreso na utilization sa Benguet Gen., sa DOLE yun TUPAD na temporary work at yun mga walang pambayad sa mga nagda dialysis at burial assistance,”
“Mas lalo natin palalakihin ang TESDA at may kauna-unahang napondohan na training center sa Kapangan upang palakasin pa ang TESDA, dahil sa ngayon ay sarado ang mga eskwelahan kaya ito ang opportunity dahil may mga contractor na walang operator, heavy equipment, natutuwa ako dahil timing na timing ang inyong napiling kurso na ito dahil nag times 3 ang infrastructure ng ating probinsiya ngayon 2021. “Asahan niyo ang sinasabi kong tulong para may trabaho na kayo agad.”
Hinimok rin niya ang mga kababayan sa Benguet sa mga gustong maging iskolar ng TESDA ay magsadya lang sa kanyang opisina sa Benguet.
Dagdag pa nito na nakatuon ng pansin sa TESDA, at BVS na susubaybayan nila ang mga nagtapos upang masiguro ang kanilang pagtatrabaho matapos ang kanilang pagtatapos.
Sinabi naman ni Regional Director Dante J. Navarro ng TESDA-CAR, “Ipinagmamalaki namin sa amin mga 78 na nagtapos dahil nakapagtapos sila sa kasagsagan ng pandemya, at kami ay lubos na nagpapasalamat sa sponsorship ni Congressman Yap,” Mario Oclaman