UPLIFT Assistance: Agarang Tulong sa Panahong Kinakailangan
Patuloy na nararanasan ng maraming pamilyang Pilipino ang epekto ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, lalo na ng produktong petrolyo. Kapag tumataas ang presyo ng langis, kasunod ding tumataas ang gastos sa transportasyon, pagkain, at iba pang pang-araw-araw na pangangailangan. Sa ganitong kalagayan, mahalagang may agarang tulong na maaasahan ang mga manggagawa at kanilang pamilya.
Bilang tugon ng pamahalaan, inilunsad ang Unified Package for Livelihood, Industry, Food and Transport (UPLIFT), isang komprehensibong programa na naglalayong protektahan ang kabuhayan ng mga Pilipino at mapanatiling matatag ang ekonomiya sa harap ng epekto ng pandaigdigang pagtaas ng presyo ng petrolyo dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Katuwang sa pagpapatupad ng programang ito ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Philippine Statistics Authority (PSA), Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev), at ang Social Security System (SSS). Sa pamamagitan ng pinagsanib na pagkilos ng mga ahensyang ito, layunin ng pamahalaan na maihatid ang tulong sa mga pamilyang higit na nangangailangan.
Sa ilalim ng UPLIFT Assistance, tinatayang 7.5 milyong pamilya sa buong bansa ang makatatanggap ng agarang ayuda. Kabilang dito ang humigit-kumulang 1.5 milyong low-income members ng SSS at ang kanilang mga pamilya.
Ang bawat kwalipikadong benepisyaryo mula sa SSS ay makatatanggap ng ₱2,000 cash assistance kada buwan mula Hulyo hanggang Disyembre 2026. Ang tulong na ito ay maaaring gamitin upang makatulong sa gastusin sa pagkain, pamasahe, at iba pang pangunahing pangangailangan habang patuloy na hinaharap ang epekto ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Marahil ay may mga nagtatanong kung paano pinili ang mga magiging benepisyaryo ng programa. Mahalagang malaman ng publiko na ang pagpili ay isinagawa batay sa malinaw na pamantayan upang matiyak na ang tulong ay mapupunta sa mga tunay na nangangailangan.
Ang isang miyembro ng SSS ay kwalipikadong maging benepisyaryo kung siya ay employed at kabilang sa 2024 Community-Based Monitoring System (CBMS) ng PSA; may Monthly Salary Credit (MSC) na ₱20,000 pababa; nakapaghulog ng hindi bababa sa isang buwang kontribusyon noong 2025 o 2026; at may naka-enroll na disbursement account sa SSS hanggang Abril 30, 2026.
Mahalagang maunawaan na ang UPLIFT Assistance ay nakatuon sa bawat pamilya o household, hindi sa bawat indibidwal. Ibig sabihin, kung may dalawa o higit pang miyembro ng SSS sa iisang pamilya na parehong kwalipikado, isa lamang ang makatatanggap ng cash assistance. Ayon sa itinakdang patakaran, ang pinakamatandang miyembro ng SSS sa pamilya ang magiging benepisyaryo. Sa ganitong paraan, mas maraming pamilya ang mabibigyan ng suporta sa halip na mapunta ang ayuda sa iisang sambahayan.
Isa ring magandang balita para sa mga kwalipikadong miyembro ay hindi na nila kailangang pumila o magsumite pa ng panibagong aplikasyon upang matanggap ang ayuda. Ang cash assistance ay direktang ipapasok sa kanilang disbursement account na naka-enroll sa SSS. Dahil dito, mas mabilis, mas ligtas, at mas maginhawa ang pagtanggap ng benepisyo. Inaasahan ng SSS na maiproseso ang payout sa itinakdang iskedyul ng programa.
Muli ring pinaaalalahanan ang publiko na maging mapanuri laban sa mga mapagsamantalang indibidwal na maaaring magpakalat ng maling impormasyon. Ang UPLIFT Assistance ay walang registration fee, processing fee, o anumang bayarin. Hindi rin kailangang magbigay ng personal na impormasyon sa mga hindi opisyal na website, social media account, o text message. Kung may katanungan ukol sa programa, makipag-ugnayan lamang sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS o bisitahin ang mga opisyal na communication channels ng ahensya.
Ang UPLIFT Assistance ay patunay na sa panahon ng mga hamon, mahalaga ang pagkakaisa ng pamahalaan at ng mga institusyong naglilingkod sa sambayanan. Sa pamamagitan ng programang ito, naipapakita ang hangarin ng pamahalaan na mabawasan ang bigat ng gastusin ng mga pamilyang Pilipino, lalo na ng mga manggagawang patuloy na nagsisikap upang maitaguyod ang kanilang kabuhayan.
Bilang katuwang ng bawat manggagawang Pilipino, patuloy na nakikiisa ang SSS sa mga programang nagbibigay ng agarang suporta at proteksiyong panlipunan. Ang UPLIFT Assistance ay hindi lamang simpleng ayuda; ito ay isang konkretong hakbang upang matulungan ang mga pamilyang higit na nangangailangan, mapanatili ang kanilang kakayahang makabangon sa gitna ng mga hamon sa ekonomiya, at maipadama na sa panahon ng pangangailangan, may pamahalaang handang umalalay at may SSS na laging kaagapay ng bawat miyembro.
Kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan, magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph. Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na page ng SSS sa Facebook, X (dating Twitter), YouTube, at Viber – hanapin lang ang MYSSSPH. Bukas din ang usssaptayo@sss.gov.ph at SSS Hotline 1455 para sa inyong concerns at katanungan.
