Sampung Libong Pag-asa nagbabalik, panawagan para sa pagpasa sa 10K Ayuda Bill pinaigting
Nagbalik na ang programang Sampung Libong Pag-asa ni Senador Alan Peter Cayetano, bitbit ang mas maigting na panawagan para sa pagsasabatas ng 10K Ayuda Bill na magbibigay ng P10,000 na ayuda sa bawat pamilyang Pilipino.
Tatlong benepisyaryo na ang nabibigyan ng tig-P10,000 sa ilalim ng inisyatibo ni Cayetano simula nang magbalik-operasyon ito noong July 1, 2022.
Ito ay matapos panandaliang mahinto noong kampanya bilang pagsunod sa panuntunan ng Comelec.
Magkakasunod na natanggap ng fashion designer na si Basha Sobejano, sari-sari store owner na si Jenellyn Baruno, at comedy bar entertainer na si Lowla Hashim ang kanilang P10,000 na ayuda mula sa programa.
Ani Sobejano, gagamitin niya ang ayuda para mabuksan ulit ang kaniyang boutique, habang idaragdag naman nina Baruno at Hashim ito sa pambili ng paninda sa kani-kanilang tindahan.
Bukod sa pasasalamat sa natanggap na tulong mula kay Cayetano ay iisa ang kanilang naging panawagan: ipasa na ng gobyerno ang 10K Ayuda Bill para mabigyan na rin ng ayuda ang iba pang mga pamilya.
“Nananawagan po ako sa Congressman namin dito sa Manila kung saan ako lumaki, at sa iba pa pong mga Congressman sa buong Pilipinas na sana ipasa na po ang 10K Ayuda [Bill] ni Senator Alan Peter Cayetano,” ani Sobejano sa episode ng Sampung Libong Pag-asa noong July 4, 2022.
Umapela rin si Baruno sa mga Senador at Kongresista sa buong bansa na makiisa sa layunin ni Cayetano.
“Tulungan po natin si Senator Alan para maipasa na po itong 10K Ayuda Bill para mas marami po kayong matutulungan, hindi lamang po sa hawak niyong lugar, kundi buong bansa po matutulungan ninyo po,” pahayag niya sa episode noong July 2.
Inihain ng dating House Speaker ang 10K Ayuda Bill sa Kongreso noong February 1, 2021 upang mabigyan ang bawat pamilyang Pilipino ng P10,000 ayuda na makatutulong sa kanila para matustusan ang kanilang pangangailangan at makapagtayo ng maliit na negosyo sa gitna ng pandemya.
Kinonsidera ang panukalang-batas sa ipinasang Bayanihan 3, pero hindi isinama ang probisyon na magbibigay ng P10,000 na ayuda.
“Sana ituloy nila y’ung 10K Ayuda Bill ni Senator Cayetano para hindi lang ako makikinabang – lahat ng tao,” pahayag naman ni Hashim sa isang episode na ipinalabas sa Facebook page ng Senador noong July 3, 2022.
“Sabay-sabay po tayong babangon sa panahon ng pandemya,” dagdag ni Baruno.
‘Totoo ang 10K ayuda’
Hinimok din ng tatlo ang mga kapwa Pilipino na huwag magpabiktima sa mga maling impormasyong kumakalat sa social media patungkol sa 10K Ayuda Bill ng Senador.
Ayon kay Baruno, marami siyang nabasang comment sa social media na tila isinisisi kay Cayetano ang hindi pagkaka-apruba ng Kongreso sa 10K Ayuda Bill.
“Hindi po nila maunawaan na hindi pa po ito naisasabatas. Hindi lang naman pwedeng si Senator Alan Peter Cayetano lang ang kikilos,” pahayag ni Baruno.
Pinasinungalingan naman ni Sobejano ang mga Facebook user na nagsasabing napili silang benepisyaryo ng Sampung Libong Pag-asa pero hindi raw natanggap ang kanilang ayuda.
“Totoo po ang 10K ayuda. ‘Wag po tayong maniniwala sa konting pindot ng iba,” pahayag niya.
Dagdag pa ni Sobejano, nang matuklasan niya ang inisyatibong ito sa official Facebook page ng Senador, alam niya na kung saan niya ilalaan ang P10,000 sakaling mapili siyang benepisyaryo.
“‘Yung 10K na y’on gagamitin ko para mapalago kung ano man mayroon ako ngayon,” pahayag niya.
“Paiikutin ko iyon (P10,000 in cash aid) para hindi lang ako mabuhay ng isang araw,” dagdag niya.
Aniya, pinagdarasal niyang maisabatas na ang 10K Ayuda Bill.
“Sana suportahan po natin itong bill kasi malaki tulong po sa bawat pamilyang Pilipino,” wika ni Sobejano.###