Pension Loan Program Para sa mga Retiradong Pensioner

Pension Loan Program Para sa mga Retiradong Pensioner

Christian Andrew RillortaSenior Communications Analyst, SSS Luzon North 1 Division

SSS Pension Loan Program: Alay ng SSS sa Panahon ng Pangangailangan

Isa sa mga loan program na ipinapatupad ng SSS ay ang Pension Loan Program o PLP. Layon nito na bigyan ng abot-kayang pautang ang mga retiree at survivor pensioner na hindi na kayang maka-avail ng tradisyunal na loan sa mga bangko o iba pang institusyon.

Inumpisahan ang programang ito para sa retiree pensioners noong May 2022. Sila mismo ang nagbigay ng suhestiyon sa SSS para bumuo ng isang loan program para sa kanila. Marami kasing naglipanang mga loan shark na mabilis nga ang approval ng loan application, subalit pahirapan naman sa pagbabayad dahil sa napakalalaking interes.

Dahil dito, tinangkilik ng SSS retirees ang programang ito. Ayon sa datos ng SSS, mula Enero hanggang Marso ng kasalukuyang taon, mahigit 48,000 retiree pensioners na ang nag-avail ng PLP. Ipinapakita nito ang 9% na pagtaas kumpara sa bilang ng mga nag-avail sa parehong panahon noong 2024.

Gaano ba kalaki ang maaaring mahiram ng mga retiradong pensyonado? Pagdating sa loanable amount, ito ay katumbas ng Aggregate Monthly Pension (AMP) na imumultiply sa 3, 6, 9, o 12 months depende sa opsyon ng pensioner-borrower, ngunit hindi dapat lumampas sa P300,000. Halimbawa, kung ang isang retiradong pensioner ay tumatanggap ng P8,000 kada buwan at nais niyang humiram ng 9-month equivalent ng kaniyang pension, makakatanggap siya ng pension loan amount na nagkakahalaga ng P72,000.

May itinakdang Net Take Home Pension (NTHP) ang SSS na kung saan hindi bababa sa 40% ng kanilang buwanang pensyon matapos ibawas ang pension loan amortization. Ibig sabihin, kahit may utang ang pensyonado sa SSS ay tatanggap pa rin siya ng kaniyang buwanang pensyon. Kung sa P8,000 na monthly pension, may tatanggapin pa rin ang pensioner-borrower ng hindi bababa sa P3,200 kada buwan. Kung sakaling mas mababa sa 40% ang NTHP, awtomatikong i-rerecompute ang loan amount upang masigurong may sapat na matitira para sa pang-araw-araw na gastusin ng pensioner.

Upang makapag-apply sa PLP, kinakailangang naka-rehistro sa My.SSS na may updated contact information at the enrolled disbursement account. Pagdating sa age requirement, hindi dapat hihigit sa 85 taong gulang sa katapusan ng buwan ng loan term ang edad ng retiree pensioner. Bukod dito, dapat aktibo ang status ng pensyon at nakakatanggap na ng buwanang pensyon nang hindi bababa sa isang buwan. Wala rin dapat na kasalukuyang deductions sa pensyon, walang existing advance pension mula sa calamity loan package, at walang record ng fraud laban sa SSS.

Ang loan ay may repayment period na 6, 12, o 24 months, depende sa napiling loan amount. Ang pagbabayad ay hindi na kailangang gawin nang manu-mano. Awtomatikong ibinabawas ang monthly amortization mula sa pensyon. Nagsisimula ang unang hulog sa ikalawang buwan matapos ma-grant ang loan.

Mahalagang tandaan na ang layunin ng SSS Pension Loan Program ay mapangalagaan ang kapakanan ng mga pensyonado. Sa halip na mapilitan silang umutang sa mga loan shark na may napakataas na interes, makasisiguro sila na ang SSS loan ay mas ligtas, abot-kaya, at akma sa kanilang kakayahang magbayad.

Para sa mga pensyonado, ito ay hindi lamang dagdag na tulong pinansyal kundi isa ring proteksyon upang mapanatili ang kanilang dignidad at mapagpatuloy ang maayos na pamumuhay sa kanilang pagtanda.

Kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan. Magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph. Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na page ng SSS sa Facebook, X (dating Twitter), YouTube, at Viber – hanapin lang ang MYSSSPH. Bukas din ang usssaptayo@sss.gov.ph at SSS Hotline 1455 para sa inyong concerns at katanungan.

admin