Pambansang Kumperensiya sa Wika at Kultura sa darating na Mayo 2026

Pambansang Kumperensiya sa Wika at Kultura sa darating na Mayo 2026

Batangas, Calabarzon – Naglabas kamakailan ng panawagan ang mga Sentro ng Wika at Kultura sa klaster ng Luzon para sa Mayo 13 hanggang 15 kasabay ng Pambansang Buwan ng Pamana. Ang tema ng Pambansang Kumperensiya ay “Mga Wika ng Luzon: Hamon at Opurtunidad sa Edukasyon at Pananaliksik,” na idaraos sa Batangas State University.

Mayroong limang klaster ang panawagan: wika at edukasyon sa Luzon; wika, kultura at identidad; wika, lipunan at komunikasyon; dokumentasyon, pagpapanatili at pagpapaunlad ng mga wika; at pananaliksik at inobasyon sa mga wika ng Luzon. Tatanggap ng mga abstrak ng pag-aaral hanggang Abril 24. Nagkakahalaga ang propesyonal na kalahok ng 2,500 PHP at gradwadong mag-aaral ng 2,000 php.

Inaanyayahan ang mga guro, mananaliksik, iskolar, at mag-aaral na makilahok sa Pambansang Kumperensiya sa Wika: Mga Wika ng Luzon – Hamon at Oportunidad sa Edukasyon, Kultura, at Pananaliksik. Ayon sa panawagan ng mga SWK sa Luzon, “layunin ng kumperensiyang ito na pagyamanin ang talakayan at pananaliksik hinggil sa mga wika ng Luzon, kabilang ang mga usapin sa edukasyon, kultura, lipunan, komunikasyon, at inobasyon sa pag-aaral ng wika.”

“Sama-sama nating itaguyod ang pagpapahalaga, pagpapanatili, at pagpapaunlad ng mga wika ng Luzon sa larangan ng edukasyon, kultura, at pananaliksik,” dagdag pa nila. Maaaring magpasa ng abstrak sa pamamagitan ng link o QR code na makikita sa poster. Tinataguyod ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang nasabing Kumperensiya sampu ng mga SWK sa rehiyon ng Luzon. # Randy T. Nobleza, Ph.D.

PRESS RELEASE