Pahayag ng mga Opisyal ng PNP Press Corps Cordillera
Naglabas ng pormal na pahayag ang mga opisyal ng PNP Press Corps Cordillera upang malinaw na ipahayag ang kolektibong paninindigan at damdamin ng organisasyon hinggil sa kasalukuyang kalagayan ng ugnayan sa pagitan ng Cordillera PNP Press Corps at ng pamunuan ng Police Regional Office–Cordillera.
Matapos ang halos isang taon ng aming nararanasang limitadong pakikipag-ugnayan at kakulangan ng makabuluhang partisipasyon, minarapat ng mga opisyal at miyembro ng press corps na ilahad ang aming mga lehitimong pangamba at obserbasyon. Ang patuloy na pagkakait ng sapat na espasyo para sa bukas, patas, at propesyonal na pakikipag-ugnayan ay hindi lamang nakaaapekto sa samahan kundi maging sa mas malawak na layunin ng transparency at public accountability.
Bilang mga kinatawan ng malayang pamamahayag, naninindigan ang PNP Press Corps Cordillera sa prinsipyo ng patas na akses sa impormasyon at makabuluhang dayalogo. Ang desisyong aming napagkasunduan ay bunga ng masusing konsultasyon at kolektibong pagninilay, alinsunod sa aming mandato na magsilbi sa publiko nang may integridad at responsibilidad. #
