Pagtaas sa presyo ng mga bilihin, ibitin muna hanggang malampasan ang lockdown – IMEE

Nanawagan si Senador Imee Marcos sa Department of Trade and Industry na ibimbin muna ang inaprubahan nilang hirit ng mga manufacturers na pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin noong July.

Ayon kay Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, ang tinatayang nasa 3% hanggang 5% na pagtaas sa presyo ng bilihin ay hindi isang maliit nabagay para sa mga manggagawang arawan na maliit ang sweldo at walang kikitain sa panahon ng dalawang linggong lockdown simula sa Byernes para makontrol ang pagkalat ng mas mabangis na Delta variant.

“Kailangan nating tulungan na mapababa ang gastusin ng bawat pamilya dahil ang inaasahang ayuda ay limitado lang at pautay-utay ang distribusyon nito. Sino ang makakaalam sa resulta ng bagong lockdown at gaano katagal na mahihinto ang pagkita ng mga maliliit na manggagawa?” ani Marcos.

“Sana agahan yung ayuda para makapamili na ang tao at maiwasan ang panic buying na nangyayari ngayon, pati ang pagpila sa SAP (social amelioration program) at tuluyang paglabag sa lockdown,โ€ dagdag ni Marcos.

Sa mga price survey na isinagawa ng tanggapan ni Marcos sa mga sari-sari store at mga supermarket sa Metro Manila, ipinakikita na ang tipikal na food products na binibili ng mga mga ordinaryong pinoy tulad ng sardinas,  mga canned meat, instant noodles,  kape at gatas ay tumaas na ng kinse sentimos hanggang piso. 

“Premature pa ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin dahil hindi pa naman naisasapubliko ng DTI ang pinakahuling SRPs (suggested retail price) para sa mga pangunahing pangangailangan at bilihin,” ani Marcos.

Ipinaalala naman ni Marcos sa mga manufacturers at mga may-ari ng mga tindahan ang batas na nagbabawal sa profiteering sa panahon ng emergency situations, ayon na rin sa Republic Act 7581.

Una nang ikinatwiran  ng mga manufacturers na noong 2019 pa hindi   nagbago ang prรจsyo ng mga bilihin gayong tumaas na ang gastusin sa mga raw materials na tulad ng mantika at harina gayundin ang mga packaging na tulad ng lata at plastik.

Ipinunto ni Marcos na mas kaya ng mga negosyante kaysa sa mga sumasahod ng arawan na mabawasan ng kita hanggang malampasan ang mga lockdown. ####

PRESS RELEASE