Pagpapatuloy ng SSS membership

Pagpapatuloy ng SSS membership

Christian Andrew Rillorta
Senior Communications Analysts

Isang kaanak ang nagtanong sa akin noong isang araw. Maaari daw ba niyang ipagpatuloy ang kaniyang SSS membership dahil mula ng mahiwalay siya sa trabaho noong pandemic ay hindi na ito nakahulog ng kontribusyon.

Halos parehas naman sila ng tanong ng isang kaibigan na nagresign sa kaniyang trabaho bilang nurse at ngayon ay nakapasok na sa gobyerno. Hindi na raw ba siya miyembro ng SSS gayong miyembro na siya ng GSIS o Government Service Insurance System? Ano raw ang mangyayari sa mahigit limang taon niyang hulog sa SSS?

Nais nating linawin na ang membership sa SSS ay perpetual. Ibig sabihin, walang katapusan ang pagiging miyembro sa SSS. Dagdag pa rito, kung sakaling naputol ang paghuhulog ng kontribusyon dahil maaring nagresign ang miyembro sa trabaho o sadyang itinigil lang magbayad ay maaari pang ipagpatuloy ang membership sa pamamagitan ng pagbabayad ng kontribusyon.

Lahat ng kontribusyon sa SSS, kahit ito man ay naibayad noong mga nakalipas na taon ay hindi mawawala sa record ng miyembro. Ibig sabihin, kung ikaw ay nahinto sa pagbabayad kahit ilang taon na ang nakararaan, o nahinto dahil ikaw ay nagresign na sa trabaho at lumipat na sa gobyerno, hindi mawawala ang SSS contribution mo. At dahil hindi ito mawawala sa record mo, maaaring ipagpatuloy ang pagbabayad kung nanaisin ng miyembro.

Mahalaga na may My.SSS account ang miyembro na nagnanais ipagpatuloy ang membership.

Para ipagpatuloy ang kontribusyon, kailangan lamang mag generate ng Payment Reference Number o PRN na siyang gagamitin sa pagbabayad. Kung dating employed o self-employed member at magpapatuloy bilang voluntary member, i-click lamang sa PRN Generation na ikaw ay magiging Voluntary member na. Kung lilipat naman bilang Self-Employed member, kinakailangang i-report muna ito sa kahit anong branch para makapag-fill out ng E4 o Member Data Change Request. Piliin doon ang Sel-Employed at magdeklara ng monthly income na siyang magiging basehan ng SSS para sa iyong bagong Monthly Salary Credit o kung magkano ang iyong magiging buwanang kontribusyon.

Kaya sa mga  miyembrong may puwang sa kanilang pagbabayad ng kontribusyon, huwag po kayong mag-alala dahil maaari ninyong ituloy ang inyong membership. Ipagpatuloy lamang ang inyong pagbabayad ng inyong kontribusyon upang maging aktibo muli ang inyong SSS membership.

Maari po kayong lumapit sa anumang sangay ng SSS sa inyong lugar upang mabigyan kayo ng karampatang tulong o paglilinaw.

Kung may katanungan, paglilinaw o anumang paksa tungkol sa SSS na nais ninyong pag-usapan, magpadala lamang ng email sa rillortac@sss.gov.ph. Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na page ng SSS sa Facebook, X (dating Twitter), YouTube, at Viber – hanapin lang ang MYSSSPH. Bukas din ang usssaptayo@sss.gov.ph at SSS Hotline 1455 para sa inyong concerns at katanungan.

###

PRESS RELEASE