Paggunita sa mga Makasaysayang Pangyayari idaraos sa pamamagitan ng misa, talakayan at “Torch Parade”

Boac, Marinduque – Bilang muling pag-aalaala sa mga kaganapan noong 10 de Octubre at 1 de Noviembre magkakaroon ng banal na misa sa Parokya ng Imakulada Konsepsyon. Ang kasunod na bahagi ay itutuloy sa talakayang pangkasaysayan kasama si Padre Christian San Juan. Ang huling bahagi ay gaganapin muli ang torch parade kasama ang Kabalikat Civicom mula sa Brgy. Mataas na Bayan at Tampus patungo sa ilog ng Boac.
Batay sa saliksik ni Myke Magalang, “Ang Kasaysayan sa Likod ng Lansangang 10 de Octubre” ay nangyari sa araw ng linggo at kapistahan ng Mahal na Birhen ng Sto Rosario. Katulad ng malagim na maramihang pagpatay sa mga walang laban na mga bilanggong rebolusyunaryo noong 10 de Octubre 1897, muling nagimbal ang mga mamamayan ng Boac noong 1 de Noviembre 1897, araw din ng linggo at ipinagdiriwang naman ang Araw ng mga Patay.
Pagkatapos ng misa pangungunahan ng Kura Paroko ng Imakulada Konsepsyon, si Padre Ian Retardo ay tutungo sa ikalawang bahagi sa Casa Real ng Boac. Ang punong bayan ng Boac Kgg. Armi DC Carrion ang magbibigay ng bating pagtanggap. Habang ipapakilala naman ni Bb. Karol Pauline Manguera ang panauhin magbibigay ng panayam. Tatalakayin ni Padre San Juan “Ang Kasaysayan ng mga Pangyayari sa Lansangang 10 de Octubre at 1 de Noviembre. Samantala, pagkatapos ng malayang talakayan at pag-aabot ng Gawad Pasasalamat sa nagtalakay, magbibigay naman ng pangwakas na panalita si Kgg. Alejnic Andrew Solomon.
Sa ganap na 6:00 ng gabi, sa sangandaan ng Brgy Mataas na Bayan at Tampus malapit sa entrada ng libingan ng mga wala pangalang bayani o cementerio de Tampus ay muling babalikan ng mga miyembro ng Kabalikat Civicom ang ruta pabalik sa Ilog ng Boac. # Randy T. Nobleza, Ph.D.