Pagbubukas ng global economy dapat paghandaan ng Pilipinas – Bongbong
Masusing pagpaplano ang kailangan upang maging handa ang bansa ngayong nagsisimula nang bumangon ang global na ekonomiya mula sa krisis na dulot ng COVID-19, ayon kay Presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Nakita ni Marcos, standard-bearer ng Partido Federal ng Pilipinas, ang pangangailangan matapos magdesisyon ang gobyerno ng Australia na alisin na ang ban sa canned pineapple products na galing sa Pilipinas.
Aniya isa itong magandang development hindi lang para sa sektor ng agrikultura kundi sa iba pang sektor ng Pilipinas dahil pinakita nito na maari na silang maghandang pumuwesto ngayong nagsisimula nang bumangon ang global na ekonomiya.
“Eto na nagsisimula ng magbukas ang global economy, mabuti in this particular case nasabayan natin dahil may produkto tayong mai-export sa kanila (Australia). Dapat ang positioning natin sa iba’t ibang sector ng global economy ay ganyan din. Kapag nakapagumpisa na sila, ready na dapat tayo na mag-trade, makipagnegosyso, makipagpartner, or magsupply sa kanila,” ayon kay Marcos.
“Kailangan pagplanuhan paano sasabayan yung pagbukas ng mga ibang bansa. Kapag nagre-recover na ang ekonomiya ng ibang bansa kailangan nakahanda tayo para sabayan natin yung kanilang pagbukas at kanilang pag-ahon. Kailangan makapagplano kung saan pupwesto sa recovery ng global economy,” dagdag pa niya.
Pahayag pa ni Marcos, ang ganitong istratehiya ay kasama sa kanyang “Tawid COVID, Beyond COVID” program na naglalayong makagawa ng mga hakbang kung paano makakatulong sa taumbayan at sa ekonomiya ng bansa habang nasa kalagitnaan ng pandemiya at patungo sa panahon na nasa likod na lang ng bansa ang COVID-19.
Kasama sa programa ang pagbuo ng mga istratehiya ang pagbibigay solusyon sa mga problema ng iba’t-ibang sektor gaya ng agrikultura, enerhiya, telecommunication, imprastraktura, edukasyon, kalusugan, at iba pa.
“Una nating kailangan magawa ay tawirin itong COVID, dapat makalabas tayo at masabing nasa likod na natin ito. Hindi masabi na mawawala yan pero dapat ma-manage na natin. Kung makita natin sa ibang bansa umabot na sila sa ganyan,” pahayag ng Presidential aspirant.
“Lahat yan ay kailangan gawin para makasabay tayo sa development ng global economy,” dagdag pa ni Marcos. ###